Depresyon

Dear Dr. Love,

Sa loob ng anim na taon, maligaya kaming nagsasama ng mister kong si Roman. Supervisor siya sa isang pabrika at malaki ang kanyang sahod. Katunayan, nakapagtayo na kami ng aming bahay na binabayaran namin ng hulugan.

Tawagin mo na lang akong Marie, 26-anyos at may dalawang anak na nag-aaral sa isang pribadong paaralan. Mabait si Roman at maasikaso sa pamilya. Sa sahod niya ay malakilaki na rin ang aming ipon sa bangko.

Ngunit dumating ang puntong namatay ang may-ari at nag-takeover sa pamamahala ang ampon na anak nito. Doon nagsimulang bumagsak unti-unti ang negosyo hanggang nagbawas ng mga tauhan at nakabilang ang asawa ko sa mga naalis. Kilala kasing gumon sa sugal ang kanyang anak-anakan.

Maski papaano, nakakuha ng medyo malaki-laking separation pay ang asawa ko na puwede namang gamitin namin sa pagnenegosyo. Ngunit na-depress ang mister ko sa pangyayari. Fifteen years na siyang nagtatrabaho sa naturang pabrika at mahal niya ang kanyang trabaho. Isa pa, pinagkakatiwalaan siya ng naunang may-ari nito.

Parang nawalan ng gana sa buhay ang mister ko at palaging matamlay. Ano ang gagawin ko para magbalik ang dati niyang sigla? Pagpayuhan mo po ako.

Marie

Dear Marie,

Kung tutuusin, puwede naman kayong magpundar ng negosyo dahil bukod sa malaki ninyong savings sa bangko ay may separation pay pa na tinanggap ang asawa mo.

Pero sa tingin ko, iba ang pinagmumulan ng depression ng iyong asawa. Ito ay ang pagkawala ng trabahong pinahahalagahan niya at minamahal. Ngunit ipaliwanag mo sa kanya na hindi pa katapusan ng mundo. Kung tutuusin, pinagpala pa rin kayo dahil kahit nawalan siya ng trabaho ay may naipundar kayong tahanan bukod pa sa savings ninyo.

Kaya bilang isang misis, tungkulin mo ngayon na bigyan siya ng motivation. Palakasin mo ang kanyang loob sa pagbubukas ng bagong kabanata sa inyong buhay.

Dr. Love

Show comments