Lihim na nagtatagpo

Dear Dr. Love,

Hello po at nawa’y mabuti ang inyong kalaga-yan sa pagtanggap n’yo ng aking sulat.  Tawagin n’yo na lang akong Mau, 31 taong gulang. Siguro, sasabihin ninyong malaking kasalanan ang aking ginagawa kasama ang dati kong kasintahang si Melba na ngayo’y may asawa na.

Limang taon na ang nakalilipas sapul nang mag-asawa si Melba ng labag sa kanyang kalooban. Tutol ang mga magulang niya sa akin kaya ipinakasal siya sa lalaking napupusuan nila, pero hindi ni Melba.

Masakit ang nangyari dahil nagmamahalan kami ng aking kasintahan. Bago siya magpakasal, nagtagpo kami ng lihim at nagsumpaang minsan sa isang taon ay magtatagpo kami. Ito ay tuwing sasapit ang aming anniversary sa buwan ng Mayo. Hindi ito nahalata ng kanyang asawa dahil sa loob ng buong taon ay sa bahay lamang siya at ginagampanan ang tungkulin ng isang housewife.

Apat na taon na naming ginagawa ito ng walang palya at naniniwala ako na ang bunso nilang anak ay anak ko. Ngunit nitong mga nakaraang araw ay binabagabag ako ng aking budhi. Dapat ko bang tapusin na ang relasyon namin?

Mau

Dear Mau,

Kailangan pa bang itanong iyan? Batid kong alam mo na mali ang lihim mong relasyon sa babaeng may asawa na. Ikaw kaya ang lumagay sa katayuan ng kanyang mister, maaatim mo ba na iniiputan ka sa ulo ng iyong asawa?

Kaya itigil mo na ang kalokohang iyan. Hindi nabibigyan ng justification ng inyong pagmamahalan ang ginagawa ninyong kataksilan.  Kung laban sa kalooban ng iyong dating kasintahan ang pagpapakasal sa asawa niya ngayon, may matibay siyang rason para ipa-annul ang kanyang kasal. 

Pero hanggang sila ay itinatali ng kasal, labag sa batas ng Diyos at tao ang inyong ginagawang pangangalunya.

Dr. Love

 

Show comments