Dear Dr. Love,
Umaasa po ako na mabibigyan mo ako ng mahalagang payo sa aking mabigat na problema. Bilang magulang, hangad natin ang kabutihan at magandang kinabukasan ng ating mga anak.
Pinapag-aral ko ang aking kaisa-isang anak na lalaki. Ang madalas kong pangaral sa kanya, huwag pasukin ang isang malaking responsibilidad, dahil may girlfriend siya.
Pero dumating ang matinding dagok sa buhay ko ng magtanan sila. Third year college pa lamang ang anak ko at ang itinanan niya ay high school. Halos mawasak ang dibdib ko.
Isa’t kalahating taon pa bago siya maka-graduate pero sinayang niya ito. Papaano sila mabubuhay kung undergrad ang anak ko at ang asawa niya ay hindi nakapagtapos ng kurso?
Hindi ko alam ang gagawin ko. Mahal ko ang anak ko at ayaw kong mapariwara. Sana ay mapagpayuhan mo ako.
Remy
Dear Remy,
Maraming kabataan ang natatangay ng kapusukan.
Tama ka. Mahalaga ang edukasyon para maging matatag ang pundasyon ng pagsasama ng mag-asawa.
Kausapin mo ang magulang ng babaeng kanyang itinanan at magkasundo kayong huwag muna silang magsama para maipagpatuloy ng anak mo ang kanyang pag-aaral alang-alang sa kanilang kinabukasan. Kung ang kanilang pagtatanan ay nagbunga ng pagbubuntis ng babae, hayaan n’yo lang na maisilang ito at pagkasunduan ninyo ng mga magulang ng babae kung sino ang mag-aalaga sa bata habang nagtatapos ng kurso ang anak mo.
Para na rin sa kinabukasan nila ang inyong gagawin kaya ito’y hindi nila dapat masamain.
Dr. Love