Dear Dr. Love,
Isa akong LGBT. Bakit ganun? May mga maepal na hindi makaramdam o makahalata. Alam naman nilang gf ko na ang girl, may mga gusto pang manghimasok.
Nagulat kasi ako nang papunta kaming school ng gf ko, bigla na lang may sumalubong sa amin na lesbian din na katulad ko. Bigla-bigla niyang inakbayan ang gf ko. Kinamusta lang naman at niyakap. Ok lang sana kaso bigla na lang din nagbago ang mood ko.
Parang ang dating sa akin nabastos ako. Alam naman niya siguro na kami na ng gf ko.
Hindi ako agad kumibo noon. Alam ng gf ko na gumana na naman ang pride ko. Hinatid ko siya at tahimik na iniwan ko siya sa room nila. Ni hindi na ako nagsalita.
Hanggang sa maghapon hindi ko siya tinitext at hindi rin ako nag-chat. Chinat niya ko. Nagpasundo. Habang kumakain kami, sinabi niya na hayaan ko na lang ‘yung nakasalubong namin. Kaibigan lang daw niya iyon.
Ayaw niyang maging snobbish ang dating niya sa kanyang mga friends. Sinabihan ko siya. Baka naman nilalandi ka na eh, pinapatulan mo pa rin.
Siya naman ang nag-init ang ulo sa akin. Bakit pina-ngungunahan ko raw ang kilos niya. Gusto ko sanang kausapin ‘yung lesbian na huwag na siyang pinakikialaman. Pero hindi siya pumayag.
Baka lang lumaki at magkagulo pa kami. Pumayag naman ako pero sinabihan ko siya na ipapakita niya ang mga chat messages niya kahit kanino. Lalo na dun sa lesbian na iyon. Maraming salamat po, sana maliwanagan ako sa payo ninyo.
Tom B.
Dear Tom B.,
Alam mo dapat sa isang relationship marunong kang makisama lalo na sa mga barkada at friends ng mahal mo sa buhay. Mas maa-appreciate nila na tama ang naging desisyon ng gf mo, na ikaw ang kanyang naging partner.
Don’t be so insecure if she still dealing with her old friends. Kung talagang mahal ka niya, ano ang kinakatakot mo?
Isipin mong maswerte ka at kilala mo ang mga friends niya at wala siyang nililihim sa iyo. Hindi rin maganda na pakialaman mo pati ‘yung mga personal at private chat nila.
DR. LOVE