Dear Dr. Love,
Lucila na lang ang itawag mo sa akin, 51-an-yos. Matanda sa akin ng 15 years ang asawa ko na ngayo’y paralitiko na, matapos ma-stroke. Walang kumakalinga sa kanya, maliban sa best friend niya at kumpare. Iniwanan na kasi siya ng kanyang kinakasama.
Masakit ang ginawa ng asawa kong ito sa akin at sa aming sariling anak. Malakas siyang kumita noong araw sa negosyong buy and sell ng kotse. Pero iresponsable siya at ni minsan, hindi kami nakatikim ng ginhawa. Kaya nang maloko siya sa ibang babae ay pinabayaan ko na siya. Ako na lang ang nagtaguyod sa aming nag-iisang anak. Nagkasakit ng leukemia ang anak namin pero ni kusing ay hindi siya tumulong hanggang bawian siya ng buhay.
Sa kalagayan ngayon ang asawa ko, pinakiusapan ako ng kumpare niya na kunin siya para ako ang umaruga. Isa po akong born again Christian pero napakabigat sa loob ko na gawin ang ganitong sakripisyo. Dapat ba akong magparayang muli, patawarin siya at kupkupin sa kabila ng lahat?
Lucila
Dear Lucila,
Ang pagpaparaya at pagpapatawad ay laging itinatagubilin sa atin ng Salita ng Diyos para ipakita natin na tayong mga Kristiyano ay may kakaibang liwanag na hindi taglay ng lahat. Siguro, mahirap sa umpisa, pero kapag nagawa mo na, makakadama ka ng kakaibang kasiyahan sa puso mo dahil alam mong nalugod ang Diyos sa iyong ginawa.
Isa pa, ikaw ang asawa na dapat lu-mingap sa kanya ngayon, bagama’t may hinanakit ka sa kanya dahil wala siya sa panahong kailangan mo siya.
Nabubuhay tayo sa mundo hindi para sa sariling kasiyahan, kundi upang malugod sa atin ang Panginoon. Ang tunay na pag-ibig ay hindi nagkikimkim ng galit, bagkus, sinusuklian nito ng mabuti ang mga masamang bagay na ginagawa sa kanya.
Huwag mong ha-yaang umiiral ang galit sa iyong puso, dahil kung gusto nating mapatawad ng Diyos sa ating mga sala, dapat muna tayong magpatawad sa mga nagkakasala sa atin.
Dr. Love