Natutukso sa mayamang suitor

Dear Dr. Love,

Hello, Sir and a pleasant day. Please lang, itago mo na lang ako sa pangalang Candy, isang bank teller.

Ako po ay 22-anyos lang, may isang depositor na nanligaw sa akin. Siguro ang edad niya ay nasa 40 na, although sabi niya sa akin ay 34 lang siya.

Malaki kung magdeposito na umaabot nang kalahating milyong piso minsan sa isang linggo. Negosyante raw siya bagama’t hindi niya sinasabi sa akin kung ano ang negosyo niya.

Minsan na niya akong na-invite for lunch at maginoo naman siya.  Minsan, natutukso akong sagutin siya dahil hindi kami mayaman.

Kaso natatakot din ako dahil hindi ko siya kakilalang lubos at baka kung saan galing ang pera niya.

Tama bang sagutin ko siya?

Candy

Dear Candy,

Pag-isipan mong mabuti iyan dahil hindi mo alam ang buong pagkatao nito. Sabi mo mukha na siyang 40-anyos. Palagay mo ba ay binata pa iyan sa ganyang edad?

At kung pera lang ang habol mo, hindi magandang motibasyon iyan sa pagpasok sa relasyon. Tama ka sa pagdududa sa pinagmumulan ng kanyang yaman. Baka droga iyan o ibang ilegal na gawain.

Kaya ang payo ko sa iyo, huwag mong pansinin ang ganyang klase ng suitor.

Dr. Love

Show comments