Nagtanim ng galit sa ina

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo? Sana po nasa mabuti kayong kalagayan sa tuwina para kaming inyong mga tagahanga ay patuloy na mabigyan ninyo ng mahalagang payo sa problema namin sa buhay.

Isa sa mga New Year resolutions ko ay maalis ang galit at hinanakit sa buhay para mawala ang kalungkutan. Pero nahihirapan po ako, dahil sa bawat kabiguan ay naaalala ko ang pag-abandona ng aming ina sa aming magkapatid para sumama sa ibang lalaki.

Dahil pindeho ay lumayas din ang aming ama at bumuo ng ibang pamilya. Dr. Love, hindi naging madali ang buhay naming magkapatid, kahit pa kinupkop kami ng aming lolo at lola.

Hindi natagalan ng kapatid ko ang sitwasyon, sa gulang na 15-anyos ay nasawi siya dahil sa sakit. Parang sinukluban ako ng langit at lupa. Mas naramdaman ko po ang matinding dagok nang pareho nang mamahinga sina lolo at lola.

Sumama ako sa isang kaibigan na pumunta sa ibang lugar at mamasukan na kasambahay. Sa kalagayang ito ko nakilala ang aking napangasawa. Masaya ang pagsasama namin, pero hindi kami pinalad na magkaanak. Tatlong beses na po akong nagbuntis, tatlong ulit na rin naagasan.

Naiisip ko po na nakakaapekto ang galit sa dibdib ko, kung kaya hindi kami magka-baby. Tulungan po ninyo akong makakawala sa negatibong emosyon na ito.

Gumagalang,

Alice

Dear Alice, 

Kalimutan mo na ang hinanakit sa magulang. Kung matutunan mong magpatawad, magkakaroon ka ng peace of mind. Maaaring ang kalagayang ito ay makatulong nang malaki para magbuntis ka ng maayos. 

DR. LOVE

Show comments