Dear Dr. Love,
Hi po, Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Espie, 30-anyos at sabi nila, papunta na sa pagiging old maid. Isa akong empleyado sa bangko at kaya naman hindi na ako nag-asawa ay dahil sa boyfriend ko noon na nagpakasal sa iba. Sampung taon na mula nang mangyari iyon at isinumpa kong ‘di na ako mag-aasawa pa.
Halos limot ko na ang mga pangyayari at hindi ko akalain na isang araw, babalikan ako ng aking dating kasintahan at inaalok na magpakasal kami. Humingi siya ng tawad sa kanyang pagtataksil. Sabi niya, nadala siya ng kapusukan at hindi niya mahal ang babae pero nabuntis kaya napilitan siyang panagutan ang dinadala nito. Biyudo na raw siya dahil namatay sa panganganak three years ago ang asawa niya.
Hindi ako agad nag-commit bagama’t alam kong mahal ko pa siya. Naisip ko kasi ang pagsasalawahan niya. Baka pagtaksilan ako kapag kasal na kami.
Dapat ko bang tanggapin ang alok niya?
Espie
Dear Espie,
Hindi ko saklaw ang damdamin mo kung gaano pa katimbang sa puso mo ang iyong dating boyfriend. Pero kung mahal mo pa siya, bakit naman hindi mo bigyan ng second chance?
Lahat tayo ay nagkakasala at bawat isa na nagkakamali at humihingi ng tawad ay dapat patawarin at bigyan ng second chance.
Dr. Love