Dear Dr. Love,
Kumusta po kayo? Sana po naging masaya ang selebrasyon ninyo ng Pasko at ganon din sa papalapit nang Bagong Taon.
Lumiham po ako sa inyo para ihingi ang mahalaga ninyong payo kung paano ko magagampanan ang responsibilidad na isinalin sa akin ng nakatatanda kong kapatid.
Nagkaroon ng malaking adjustment ang kumpanyang pinagtatrabahuhan ni ate sa Canada at kasama siya sa mga natanggal. Kaya kinausap niya ako, na habang wala pa siyang matinong kabuhayan ay sikapin ko munang pasanin ang lahat ng gastusin namin nila tatay at nanay.
Sa totoo lang po, Dr. Love umaalma ang aking kalooban. Dahil minimum lang po ang sweldo ko at kahit kalahati ng pangangailangan namin nila tatay at nanay ay siguradong kukulangin na.
Pero nauunawaan ko naman si ate. Dahil kapag mero naman siya ay hindi na kailangan magsalita at siya na ang bahala sa lahat. Maging ang kasal nga ng aming kapatid na lalaki ay sinagot niya.
Gulung-gulo po ang isip ko ngayon, Dr. Love kung paano ang gagawin ko. Isa pang nakakapagpahirap sa akin ay ang paghikayat ni ate na sumunod na ako sa Canada para makapag-establish ng buhay.
Pero tutol po ang boyfriend ko sa bagay na ito. Hindi ko ngayon malaman kung paano ko magre-react sa kapatid ko. Posibleng magalit siya kapag tumanggi ako, lalo na kapag nalaman niyang dahil ayaw akong payagan ng boyfriend ko.
Pagpayuhan po ninyo ako kung paano ko malalampasan ang lahat ng ito.
Maraming salamat, Dr. Love at hangad ko ang patuloy na pagtatagumpay ng inyong column.
Gumagalang,
Lilian
Dear Lilian,
Karaniwan sa atin ang mangamba kahit hindi pa naman nangyayari ang bagay na ipinag-aalala natin. Ang mabuti sa palagay ko ay pag-isipan mo ng mabuti kung paano makakapag-cross cut sa lahat ng expenses ninyo at isa-isa mo itong i-apply para mabanat mo pa kahit paano ang earning mo.
Tungkol naman sa alok ng ate mo, ikaw lang makakapagdesisyon n’yan. Pag-isipin mo ito ng mabuti bago ka magpasiya. Makakatulong siguro kung titimbangin mo ang kabutihang maidudulot hindi lang para sa’yo, kundi maging sa pamilya mo.
DR. LOVE