Dear Dr. Love,
Maligayang Pasko sa iyo, Dr. Love at sa lahat ng iyong mambabasa. Tawagin mo nalang akong Sylvia, 19-anyos. Babae ang katawan ko pero ang damdamin ko ay lalaking-lalaki.
Ayaw kong magkaganito. Dumadalo ako sa isang Christian church at alam kong ito’y kasalanan sa Diyos.
Kinukuwestyon ko nga si Lord kung bakit ganito ang damdamin ko. Sana naging lalaki na lang ako ng lubos o kaya’y babae sa katawan at sa puso.
Pinipilit kong iwaksi ang pagkaakit ko sa kapwa babae. Kahit may nagugustuhan ako, pinipigil ko na lang ang sarili ko. Mahirap, Dr. Love.
Sabi ng aming Pastor, magbabad daw ako sa Salita ng Diyos at manalangin palagi. Nananampalataya na lang ako na Siya na ang gagawa ng paraan para ako ay mabago.
Pero hinihintay ko ang payo mo sa akin.
Sylvia
Dear Sylvia,
Tama ka. Ipagpatuloy mo ang taimtim na panalangin at pagbubulay sa Word of God. Ituloy mo lang ang bible reading mo. Marami akong kakilalang tulad mo na dahil binago ng Diyos ay nagkaroon pa ng pamilya at bagamat kilos lalaki pa rin ay masayang nabubuhay, at kasama ang pamilya sa paglilingkod sa Diyos.
Kasama mo ako sa panalangin. Tiyak ko na kikilalanin ng Diyos ang taimtim na petisyon ng pusong naghahangad na magbago.
Hingin mo sa Diyos sa taimtim na panalangin na baguhin ka Niya at ‘yun ay walang pasubaling mangyayari.
Dr. Love