Dear Dr. Love,
Ang akala ko, natagpuan ko na ang lalaking nagmamahal sa akin ng todo-todo. Maalalahanin at mapagmahal ang unang impresyon ko kay Alfred.
Ang tawag niya sa umaga ang gumigising sa akin kung araw ng Sabado na wala kaming pasok sa opisina. Oras na anya para bumangon at mag-jogging kundi man ay mag-exercise para manatiling trim ang aking katawan.
Kapag may usapan kaming lalabas o manonood ng sine, tinatawagan din niya ako dalawang oras bago ako sunduin o kaya’y i-remind kung saan kami magtatagpo. At bago matapos ang usapan, may mungkahi siya kung ano ang damit na dapat kong suutin para lumitaw anya ang alindog ko.
Noon, kinagigiliwan ko ang mga tawag niya at ang mga mungkahi niya pero nang lumaon Dr. Love, nababanas na ako. Kinokontrol niya ang buhay ko. Hindi po ba ginagawa niya akong immature at sunud-sunuran lang sa mga gusto niya.
Kailangan po bang isangguni sa kanya kung sinu-sinong kaibigan ang dapat kong kausapin sa telepono at kung sino ang dapat kong samahan sa pagpunta sa party kung hindi ko siya kasama?
Minsan, sinubukan ko siyang kausapin kung bakit gustung-gusto niyang dinidiktahan ako sa bawat galaw ko, gayong hindi pa naman kami mag-asawa. Ang sagot ba naman niya Dr. Love, matututo na raw akong makibagay sa kanya dahil ganyan siya kahigpit sa mga nagiging siyota niya noon pa man.
Palaisipan sa akin ngayon kung paano ko sisimulan ang pakikipagkalas kay Alfred dahil hindi ko po ma-imagine kung ano na ang trato niya sa akin kung kasal na kami. Tulungan po ninyo ako na makapag-decide sa dapat kong gawin sa problema kong ito.
Maraming salamat po at hanggang sa muli kong pagliham sa inyo.
Gumagalang,
Mary Ann
Dear Mary Ann,
Maging straight to the point ka sa iyong boyfriend. Mabuti nang magkaliwanagan kayo habang maaga pa. Dahil ang anumang relasyon ay laging two way ang pag-aalaga. Mahalaga rin na manatili ang respeto sa bawat isa.
Kung hindi aayon ang boyfriend mo at gustong siya nang siya lang ang masunod sa relasyon ninyo, huwag mo nang paabutin ng Bagong Taon ang pagtitiis mo.
DR. LOVE