Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo, Dr. Love. Lumiham po ako para hingin ang mahalaga ninyong payo hinggil sa problema ko ngayon sa aking manugang na si Mimi.
Nilayasan niya noon ang aking anak at sumama sa kalaguyo niya, kumpare pa ni Ronald. Ang tatlo nilang anak na pawang babae ay iniwan ni Mimi sa aking anak.
Maliliit pa lamang ang tatlo kong apo noon at ang panganay ay halos sampung taon pa lang.
Nagkahiwalay ang mag-asawa nang madatnan ni Ronald si Mimi at kanyang kumpare na magkasiping sa kanilang kuwarto. Ang ipinagpapasalamat ko po ay hindi inilagay ng anak ko ang batas sa mga kamay niya.
Noon din po, pinalayas niya ang kanyang asawa. At dahil sa wala namang ibang makapag-aalaga sa mga bata, ako na ang nag-alok ng tulong sa aking anak. Mula noon, wala na akong narinig kay Mimi at ni minsan ay hindi man lamang niya naisip na bisitahin ang mga anak niya.
Marahil dahil sa tinamong kabiguan sa buhay, natutong mag-inom Si Ronald at kalaunan ay nagkasakit siya sa atay. Ito na po ang ikinamatay niya.
Nang mabalitaan ni Mimi ang nangyari, kinukuha niya ang mga bata sa akin. Hiniwalayan na rin pala ng kalaguyo niya, pero may apat silang anak.
Tutol po ang kalooban ko na mapunta kay Mimi ang mga apo ko, dahil wala naman siyang trabaho. Ayaw rin ng mga apo ko sa kanilang ina na umabandona sa kanila. Gusto ko pong idemanda si Mimi. Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Lola Merced
Dear Lola Merced,
Ang payong kailangan mo ay nasa aspetong legal na, kaya lumapit ka sa isang abogado. Siya ang makakasagot sa lahat ng mga katanungan mo tungkol sa tamang hakbang para maprotektahan mo ang iyong mga apo.
DR. LOVE