Dear Dr. Love,
Masayang pagbati ang hatid ko sa iyo. Tawagin mo na lang akong Erma, 23-anyos. Napakamalas ko sa pag-ibig.
Magdadalawang taon na ang nakararaan, ikinasal kami ni Fredo. Ang masaklap, sa reception ng aming kasal ay na-stroke siya. Ni hindi namin nakuhang mag-honeymoon. Dalawang buwan siyang nasa ICU dahil serious ang tama sa kanya. Nakalabas kami ng pagamutan pero hindi na siya makalakad.
Pati ang trabaho ko ay naapektuhan dahil kinakailangan kong alagaan siya. Pero matapos ang tatlong buwan ay pumanaw din siya.
Mula noon ay linggu-linggo akong dumadalaw sa puntod niya. Wala na akong trabaho at wala na akong asawa. Nanatili ako sa piling ng mga magulang ko pero lubha akong nasaktan sa nangyari at sinisisi ko ang Diyos.
Bakit ganoon Dr. Love? Ibig kong manatili ang pananalig ko sa Panginoon pero tuwing naiisip ko ang masama kong kapalaran ay para akong nagagalit sa Kanya.
Tulungan mo ako.
Erma
Dear Erma,
Lahat ng nangyayari sa buhay natin, mapait man o matamis ay may mabuting bunga para sa atin. Basahin mo ang Roma 8:28 ng Biblia para maliwanagan ang pag-iisip mo.
Hindi sa Diyos nagmumula ang mga kapighatian dahil ganyan talaga ang buhay sa mundong ito. Mabuti ka man o masama ay may mga nangyayaring trahedya na ‘di natin maunawaan.
Patuloy kang magtiwala sa Kanya at manalangin. Minsan ay pinahihintulutan Niya ang mga masasakit na insidente para subukan ang ating pananampalataya. At kapag nakapasa tayo sa pagsusulit, darating din ang Kanyang pagpapala.
Dr. Love