Isang iglap na ligawan

Dear Dr. Love,

Sana ay itago mo na lang ako sa pa­ngalang Nando ng Malabon City.  23-anyos  po ako at nagtatrabaho  sa isang banko.

Mayroon po akong kasintahan at tawagin mo na lang siyang Liza. Mag-iisang taon na ang aming relasyon. Pareho ka­ming nagmamahalan at napag-uusapan na nga namin ang pagpapakasal.

Minsan sa dinaluhan kong party, hindi ko inaasahan na may makikilala akong magandang babae. Umiral ang puso kong lalaki at sa unang pagkakataon, nanligaw ako ng iba habang karelasyon ko pa si Liza. Akala ko, hindi ako seseryoso.

Isang iglap na ligawan ang nangyari. Habang may party, nag-uusap kami sa hardin at komo ako’y nakainom na ng tatlong boteng beer, niligawan ko siya. Sabi niya, prangka siyang babae at walang kiyeme kaya sinabi niyang mahal din niya ako.

Dalawang buwan na nang mangyari yaon. Pero habang nagtatagal, nararamdaman kong umiibig ako sa kanya at nababawasan ang pagmamahal ko kay Liza.

Tama ba itong nararamdaman ko? Dapat ko bang ipagpatuloy?

Nando

Dear Nando,

Bago ka magpadalus-dalos, pag-aralan mo ang situwasyon. Ang una mong kasintahan ay kasintahan mo sa loob ng isang taon, habang ang pangalawa na sabi mo’y mas mahal mo ay isang gabing ligawan lang at nakuha mo.

Easy to get ang bagong nobya mo. Baka naman easy to go rin iyan. Kung makatuluyan mo man, baka sa isang iglap din ay ipagpalit ka sa iba.

Mag-isip kang mabuti Nando.

Dr. Love

Show comments