Nangibang pugad si Papa

Dear Dr. Love,

Kahit pilit na pinagtatakpan ni mama ang aking papa. Sa edad ko na 13-anyos, alam ko na hindi na siya uuwi sa inuupahan namin. Dahil nangibang pugad na siya.

Itago n’yo na lang po ako sa pangalang Brenda. Balisa po ang isip ko nitong mga nakaraang araw pa, Dr. Love. Dahil nag-iisip akong huminto sa pag-aaral para matulungan kumita para sa aming pangangailangan si mama.

Bukod sa aming dalawa, kasama sa solo niyang binabalikat ang para sa aking lola at dalawa pa niyang kapatid na sa amin tumakbo nang masalanta ng bagyong Yolanda. Dahil wala naman silang ibang malalapitan, kahit naghihirap ay hindi sila maitataboy ni mama.

Halos buong araw ang pagtanggap ng labada ni mama para mairaos ang bawat araw namin. Dahil wala nang ibang maaasahan.

Huli kong nakausap si papa nang tanu­ngin niya ako kung pwede akong lumipat ng school sa Cavite para magkasama-sama na kami. Naroon po kasi ang trabaho niya at sa pakiwari ko ay nabibigatan na siya ng sobra na akuhin ang lumaking responsibilidad.

Pero hindi pumayag si mama dahil masasayang daw ang record ko na kandidato pa naman sa honor. ‘Yun na, Dr. Love. Nagsimula nang hindi umuuwi si papa, ang dating pinagkakasya nang padala niya ay nabawasan pa. Kaya wala na akong baon ay hindi pa mapalitan ang sapatos kong nakanganga na.

Nang puntahan ni mama sa Cavite si papa, nag-resign na raw siya at walang makapagsabi kung saan ito nakatira. Maliban lang sa alam nilang may iba na itong inuuwian.

Pwede naman uli akong mag-enroll at bumalik sa eskwelahan kapag nakaipon na nang sapat. Sa ngayon, kailangan ni mama ng karamay. Pero paano ko po ito sasabihin sa kanya? Pagpayuhan po ninyo ako.

Gumagalang,

Brenda

Dear Brenda,

Mabuti kang anak. Dahil nakahanda kang magsakripisyo para tulungan ang iyong mama. Pero sa palagay ko, ang pangunahing dahilan ng pagsisikap niya ay para hindi ka mahinto sa pag-aaral.

Marahil may iba pang paraan, pwede siguro maghanap ng trabaho ang dalawa niyang kapatid para gumaan kahit bahagya ang pasan ng iyong ina. Maganda rin ang ideya na magtinda ng kakanin. Tiyakin mo lang na hindi maisasaalang-alang ang iyong pag-aaral. Gawin mo lang ang tungkol dito kung papayagan ka ng iyong mama.

DR. LOVE

Show comments