Pinasok sa kuwarto ng kasambahay

Dear Dr. Love,

Magulo po ang isip ko ngayon. Hindi ako mapatawad ng aking asawa kahit anong paliwanag ko dahil nakabuntis ako dahil sa kalanguan.

Hanggang ngayon, hindi ko maisip kung bakit nangyari ang hindi dapat sa amin ni Mely. Siya po ay inuupahan ko para maglaba ng mga damit ko at magluto. Nung nagkasakit ako, siya rin ang nag-alaga sa akin.

Nakarating sa aking asawa ang mga nangyari at sinabi niyang magdedemanda siya sa sandaling maipanganak na ang bata. Kinausap din ako ng kapatid ni Mely at sinabing panagutan ko ang utol niya.

Sinabi kong hindi ko magagawa ‘yun. Dahil meron akong asawa at anak. Ipinagtapat ko sa kanya na pinasok ako ng kapatid niya sa kuwarto at habang naliligo. Marahil dala ng pangungulila sa aking asawa, nangyari ang hindi dapat.

Ang sabi ng asawa kong si Linda, hindi na raw siya maghahabol sa akin basta tiyakin lang ang sustento para sa aming anak. Para hindi ito mahinto ng pag-aaral sa kolehiyo.

Pilit ko naman pinakikisamahan si Mely at kinukumbinsi na kukunin ko ang bata, dahil hindi ko kayang hiwalayan ang aking asawa. Pero hindi payag si Linda sa ideyang ito. Dahil magpapaalala lang daw ng kataksilan ko ang bata.

Sana mabigyan po ninyo ako ng mahusay na payo, Dr. Love. Maraming salamat po.

Gumagalang,

Bernard

Dear Bernard,

Nangyari na ang hindi dapat. Kung hindi matanggap ng asawa mo ang tungkol dito, normal ‘yun. Pero huwag kang susuko sa panunuyo sa kanya. Dahil kung nahihirapan ka, mas ang kalooban niya na nasaktan ng sobra.

Sa panahon ng kabalisaan, tanging ang gabay ng Diyos ang pinaka-epektibong kanlungan. Kaya payapain mo ang iyong sarili at manalangin ka. Hingin mo ang taus-pusong kapatawaran sa Kanya, idalangin mo na maipagkaloob din ito ng iyong asawa at patnubayan ka kung paano mo malalampasan ang lahat.

DR. LOVE 

Show comments