Mahal ang hipag

Dear Dr. Love,

Good day to you Dr. Love. Isa lamang ako sa libu-libo mong masugid na tagasubaybay. Tawagin mo na lang akong Red.

Dalawang taon pa lang kaming kasal ng misis kong si Agnes pero kamakailan ay kinuha na siya sa akin ng Panginoon. Cancer sa obaryo ang nagpahirap sa kanya.

Noon pa mang magkasintahan kami ay alam ko na ang sakit niya pero stage one pa lang noon. Mahal ko siya kaya hindi ko siya binitawan hanggang sa dakong huli. Dinamayan ko siya at binigyan ng motivation para mabuhay.

Ito ang dahilan kung bakit iniwasan naming magkaroon ng anak dahil sa kanyang sakit. Ngayon ay isang taon na siyang wala sa akin. Mahal na mahal ko siya.

Sa pangungulila ko, walang ibang dumaramay sa akin kundi ang bunsong kapatid ng misis ko na si Carlyn. Unti-unting nahuhulog ang loob namin sa isa’t isa pero parang nag-aalangan ako dahil kapatid siya ng misis ko. Hindi ba masamang magpakasal sa hipag, Dr. Love?

Red

Dear Red,

Pinahanga mo ako sa kadakilaan ng pag-ibig mo sa yumao mong misis. Alam ko na saan man siya naroroon, matutuwa siya kung ang mamahalin mo ngayon ay ang kanyang kapatid.

Pinasok mo iyan kaya kung talagang seryoso ka, walang masama roon, Red. Maraming nabiyudo o nabiyuda na ang pinakasalan uli ay ang kanilang bayaw o hipag.

Kung kayong dalawa ni Carlyn ay nagmamahalan, walang masama roon sa mata man ng tao o sa mata ng Dios.

Dr. Love

Show comments