May asawa ang nakabuntis

Dear Dr. Love,

Hello, Dr. Love! Ihihingi ko po ng payo ang problema ko.

Malapit na kaming ikasal ng boyfriend kong si Ryan. Hindi pa lang kami makapagpa-book dahil puno na ang reservation sa lahat ng simbahan na gusto naming pagdausan ng aming kasal.

Ang problema ko, natuklasan kong buntis ako. Nakumpirma ang suspetsa ko nang magpatingin ako sa doktor. Pero hindi po ito kay Ryan, kundi sa ex-boyfriend ko na si Lucas.

Nang sabihin ko po ito kay Lucas, nagalit pa siya sa akin dahil ang usapan namin ay walang commitment. Dahil may asawa siya at wala sa usapan namin ang tungkol sa pagkakaroon ng anak. Sa madaling salita, mag-isa kong dadalhin ang bunga ng aming kapusukan.

Dahil hindi ko po magagawang magpa­kasal kay Ryan at papanagutin sa kanya ang tatlong buwan nang sanggol sa aking sinapupunan. Balak ko po sabihin na sa kanya ang problema ko at iurong ang kasalan.

Ang hindi ko nga lang alam ay kung ano na ang mangyayari ngayon sa akin dahil alam kong itatakwil na ako ng aking pamilya dahil sa malaking kahihiyan.

Payuhan mo po ako sa dilemma ko.

Maraming salamat po at hangad ko na magpatuloy pa ang misyon ninyo sa buhay na makatulong sa isang tulad ko.

Gumagalang,

Charmaine

 

Dear Charmaine,

Tama ang plano mong ipagtapat sa nobyo mo ang kasalukuyan mong kalagayan. Maaaring ang resulta ng hakbang na ito ay hindi magiging madali sa umpisa. Pero dahil pinili mo ang tamang gawin, natitiyak ko na magiging maayos din ang lahat para sa inyong dalawa ng iyong magiging anak.

Kung magalit ang mga magulang mo, natural lang ‘yun. Dahil walang matutuwa sa kinahinatnan mo. Tanggapin mo ang galit nila at magpakumbaba ka, pasasaan ba at mapapatawad ka rin nila at tiyak na kagigiliwan nila ang sanggol kapag lumabas na ito. Sana huwag mo kalimutan ang mahalagang leksiyon sa sinapit mo.

DR. LOVE

Show comments