Pinagsusungitan ng lola

Dear Dr. Love,

Hindi po problemang mag-asawa o magsiyota ang gusto kong ilapit sa inyo. Kundi ang pakikitungo sa akin ng aking lola. Hindi ko po kasi alam kung may nagawa akong hindi maganda sa kanya, kahit na noong ako ay paslit pa. Pero hindi na po nawala ang init ng dugo niya sa akin.

Kasalukuyan po akong nagtatrabaho bilang accountant sa isang matatag na kompanya sa Makati. Nakatira po sa amin si Lola Pacing, nanay ng mommy ko. Mahigit 80 anyos na po siya ngayon pero malakas pa po kumpara sa ibang kaedad niya.

Nito lang huli ay pinaghandaan ko siya ng miryenda, yung paborito niyang biskwit at mainit na kapeng barako. Pero Dr. Love, nang mailapag ko po ito sa lamesa niya ay naghihiyaw niyang kinabig.

Hindi ko po napigilang umiyak. Dinatnan ako ng daddy ko na namamaga ang mga mata ko. Hindi ko po inaasahan ang malalaman ko noong araw na iyon, Dr. Love. Ipinagtapat ng daddy ko na anak niya ako sa pagkabinata at noon pa man ay hindi sang-ayon ang lola ko sa naging pagpapakasal nila ni mommy.

Sinubukan pa raw nila ng mommy kung magkaanak, pero umabot na sila sa menopausal stage at hindi na uubra. Pero malaki ang pasasalamat nila sa Dios dahil kahit nagkaganon ay nasa piling nila ako.

Ipinakiusap ni daddy na huwag nang damdamin ang pagsusungit ni lola sa akin. Dahil natitiyak niyang darating din ang tamang panahon na lalambot ang puso niya para sa akin.

Ganoon nga ang ginawa ko. Isang insidente ang bumago sa lahat sa pagitan namin ni Lola Pacing, Dr. Love. Minsan siyang inatake ng kanyang sakit at nahirapang huminga. Kami lang po ang tao sa bahay noon. At kahit mag-isa ay nagawa ko po siyang maisugod sa ospital at hindi siya napaano. Sa unang pagkakataon, nahalikan ako ng aking lola. Napaiyak po ako ng husto.

Maraming salamat po sa pagkakataong ibinigay ninyo sa letter ko.

Lily

Dear Lily,

Ang iba’t ibang pangyayari sa ating buhay ay ginagamit ng Dios para matutunan natin ang mahalagang araw sa buhay. At ganoon nga ang nangyari sa inyo ng lola mo. Sa nala­labing panahon ng kanyang buhay, sulitin mo ito para mapabaunan mo siya ng pagmamahal sakaling pauwiin na siya ng ating Manlilikha.

DR. LOVE

Show comments