Langit at lupa

Dear Dr. Love,

Gusto ko munang magpugay sa iyo at sa lahat ng masugid mong tagasubaybay.

Ako po si Hernan, isang hamak na kargador sa palengke. Binata pa ako sa edad na 20-anyos. Elementary lang kasi ang natapos ko kaya ganito lang ang buhay ko.

Hanap ko ang mahalaga mong payo sa problema ko. Ito ay tungkol sa babaeng pinakamamahal ko. Isang kolehiyala at anak-mayaman.

Minsan ko lang siya nakita sa palengke kasama ang kanyang ina at pinilit kong alamin kung saan siya nakatira. Malapit lang pala sa amin.

Sa isang subdivision siya nakatira samantalang ako at ang aking mga magulang at kapatid ay naninirahan sa kalapit na squatter area.

Lagi ko siyang inaabangang dumaan. Nagka­taon na naglalakad siya sa eskinita nang hablutin ng snatcher ang kanyang kuwintas.

Hinabol ko ang snatcher at nabawi ko ang kuwintas. Isinauli ko ito sa kanya at nagpasalamat siya. Mula noon ay lagi ko na siyang sinasamahan hanggang makasakay.

Kung ikaw ang nasa kalagayan ko, liligawan ko ba siya, Dr. Love?

Hernan

Dear Hernan,

Pagdating sa pag-ibig ay walang mahirap o mayaman. Kung binata ka naman, walang hadlang para ligawan mo siya.

Kaso, malaking tanong pa rin kung iibigin ka rin niya. Pero kung magkagayon, suwerte mo.

At ang isa pang dapat mong harapin ay ang magiging reaksyon ng kanyang mga magulang. Matatanggap ka kaya nila dahil sa iyong kalagayan?

Pero hindi naman masama kung susubukan.

DR. LOVE

Show comments