Dear Dr. Love,
Ilang taon na ang nakakaraan, may itinuring akong kaibigan. Naging komportable ako sa kanya at habang tumatagal ay nakakapag-open na ako kahit mga personal trials ko sa buhay.
Pero ang lahat ay mistulang patibong lang pala. Dahil kalaunan ay unti-unting lumabas ang tunay niyang intensiyon. Ang lahat ng mga inihinga ko sa kanyang problema ay nalaman ng marami naming kakilala.
Ang masaklap pa ay may dagdag-bawas na ito. Sa kung anong gusto niyang palabas sa mukha ng lahat, hindi ko po alam. Pero isa lang po ang naging malinaw sa akin. Hindi siya kaibigan.
Masakit po ang mga salitang naririnig ko, lalo pa’t puro bintang at insulto lang ang lahat. Pero pinili kong manahimik para sa halip na mainis o magalit ay maipreserba ko ang aking lakas para sa aking pamilya.
Trying hard din po ako na maging mabuti sa kanya, sa kabila ng lahat. Hindi po dahil gusto ko, kundi dahil alam ko na ‘yun ang tamang gawin.
Isa pa, naniniwala po ako na kung tunay ang lumalabas sa bibig ay magagawa itong mapanindigan sa harap ng marami. Hindi sa patalikod na pagsasalita.
Hindi po talaga ako hihingi ng payo, kundi magtatanong lang kung bakit may mga taong hindi makuhang maging masaya para sa pagbuti ng kalagayan ng kanyang kapwa.
Annie
Dear Annie,
Isa lang ang palagay kong dahilan kung bakit ang isang tao ay hindi nagiging masaya para sa kapakanan ng kanyang kapwa, ito ay dahil sa inggit.
Tama ang nagiging response mo sa sitwasyon. Huwag mo siyang patulan at hayaan lang sa kanyang walang tigil na pagsasalita. Dahil alam mo naman ang totoo at wala kang dapat na idepensa para sa sarili mo.
Maganda ang prinsipyo mo tungkol sa pagiging responsable sa bawat salitang lumalabas sa bibig. Panatilihin mo lang ang kabutihan sa iyong puso at sigurado ako na wala kang hindi malalampasan.
Dr. Love