Dear Dr. Love,
Hindi ko na po alam ang gagawin ko para maiiwas sa basag-ulo ang aking asawa na mahilig sa away saan mang lugar kami lumipat ng tirahan.
Bagong lipat lang kami sa isang subdivision kung saan inakala kong magkakaroon ng pagbabago si Rosing dahil tahimik ang lugar at ang mga naninirahan ay pawang abala sa pamilya at trabaho. Pero nagkamali ako dahil isang may edad na respetado sa lugar ang bago niyang kaengkwentro.
Mag-isa pa pala niyang ipinitisyon ang matanda dahil sa pagsusunog ng mga basurang itinambak ng ilang kapitbahay. Pero walang pumirma. Ang resulta ay pinangingilagan siya ng mga kapitbahay sa takot na awayin din sila.
Sa pagkakaalam ko, propesyonal na manunulat ang matanda at kilala sa pagiging malinis sa lugar na nakapaligid sa kanilang malaking bahay.
Kahit po sarili naming mga anak ay may problema sa kanilang ina. Hindi sila nagsasabi kahit ng problema, lalo na tungkol sa pag-aaral dahil sumusugod ang kanilang ina kung sa palagay niyang naagrabyado na ang aming mga anak.
Ngayon ko tuloy nare-realize kung bakit tutol ang mga magulang ko na pakasal kay Rosing. Pero ang alam ko lang noong mga panahon na iyon ay mahal ko siya sa kabila ng pagiging Japayuki niya at mababang pinag-aralan.
Napapadalas na po na nauuwi sa pagtatalo kapag pinupuna ko ang pagka-war freak ni Rosing. Kailangan ko po ba siyang patingnan sa psychiatrist para mabago ang pananaw niya?
Sa ngayon po ay hindi naman ako nakakapag-isip na hiwalayan siya dahil sa aming mga anak.
Gumagalang,
Daniel
Dear Daniel,
Bakit hindi mo i-heart to heart talk ang misis mo? Para malaman mo kung bakit siya napapalapit sa away. Ang pagiging mag-asawa ay pagtutulungan sa lahat ng bagay. Kaya sa halip na maging isa ka ring kritisismo sa kanya, tulungan mo siyang magbago.
DR. LOVE