Dear Dr. Love,
Dalaga pa lang ako ay may isang may edad na nagpapahiwatig na ng kanyang feelings sa akin. Nariyan na pinadadalhan niya ako ng mga bulaklak at chocolates kahit sa opisinang pinapasukan ko.
Parang nagbibiro po ang tadhana dahil isang araw na pumasok ako ay nakita ko rin siyang papasok sa aming opisina, lalo pa akong nabigla nang sa department na kinabibilangan ko rin siya nagpunta. Nalaman ko na lang na doon na rin siya nagtatrabaho at naging supervisor ko po siya.
Ikinagulat ko lang po ang biglang pagsulpot niya sa working place ko pero hindi naman ako nababahala dahil alam ko naman kung paano gampanan ng mabuti at tapat ang trabaho ko.
Pero may isang insidente kung saan nararamdaman ko na iniipit niya ako sa sitwasyon, ito ay matapos kong tanggihan ang imbitasyong sabay kaming mag-dinner at ihahatid daw niya ako sa aming bahay.
Doon na nagsimula ang kalbaryo ko sa opisina, Dr. Love. Ngayon po ay nag-iisip na akong maghanap ng trabaho para makapag-resign na kahit nanghihinayang ako sa magandang benepisyong hatid ng opisina sa mga empleyado.
Tama po ba ang gagawin ko, Dr. Love? Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Claire
Dear Claire,
Huwag ka muna magpadalus-dalos sa iyong desisyon. Sa panahon ngayon ay hindi ganoon kadali ang makakita ng stable job, lalo na’t may magandang benepisyo para sa mga empleyado ang pinapasukan mo ngayon.
Kung may kasamahan ka sa trabaho na mapagkakatiwalaan, hingin mo ang tulong nila para ilapit sa inyong boss ang panggigipit na nararanasan mo sa iyong supervisor na manliligaw.
Kailangan lang na maging maingat ka at tiyakin na may patunay ka sa pang-iipit niya sa iyo.
Maaari kasing maging remedyo na ilipat ka ng ibang department kaysa bitawan mo ang pwesto sa isang magandang kompanya.
Dr. Love