Dear Dr. Love,
Babaeng malisyosa ang bansag sa akin ng nakababatang kapatid ng mister ko. Hindi ko po naririnig nang direkta sa kanya ang salitang ‘yon, dahil sa maid namin niya ito sinasabi.
Nasa huling taon na ng kursong medisina si Cel nang makiusap ang biyanan ko na kung maaari sa aming bahay siya makitira. Ayaw daw niya sa boarding house dahil maingay at nililimitahan siya sa paggamit ng kuryente sa magdamagang pag-aaral.
Nauunawaan ko ang biyanan ko, kaya pumayag po ako. Pero ang ipinagtataka ko, nagbigay ng warning ang asawa ko tungkol sa pagtira ng kanyang kapatid sa amin.
Sa nakalipas na mga buwan ay saka ko po naunawaan ang asawa ko. Dahil nagmistulang motel ang aming bahay dahil nagdala ng girlfriend si Cel, na ang sabi niya noong una ay sabay lang sila mag-aaral. Pero habang tumatagal, iba ang pinagkakaabalahan ng dalawa.
Naging magulo ang sitwasyon sa bahay. Gusto nang umalis ni Diding dahil nalilito na sa dami ng gagawin. Ang sabi niya, dinaig pa raw kaming mag-asawa kung mag-utos ang magnobyo sa kung ano ang gusto nilang ulamin.
Ang hindi ko na napalampas ay nang nagtatanong na ang aming anak nang makitang hubad na tumatakbo si Cel at ang paglalambutsingan nila ng kanyang nobya.
Pinilit ko maging mahinahon sa kabila ng lahat. Pero ako pa ang nabaligtad sa nakarating sa aking biyanan. Bumagsak sa pag-aaral si Cel at kailangang pakasalan ngayon ang buntis na niyang girlfriend, kung gusto niyang makapagtuloy sa kanyang kurso. Sa akin po lahat sinisisi ng biyanan ko ang nangyari.
Salamat na lang at hindi kumampi sa kanyang partido ang aking asawa. Kung sana ay nakinig ako sa warning ni Derek. Hindi ko rin naman gustong mapagalitan siya ng kanyang ina. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako kinikibo ng biyanan ko. Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Tina
Dear Tina,
Hayaan mo lang ang biyanan mo at sikapin na maging mabuti pa rin sa kanya. Dahil lalabas din ang totoo, gaano man ito itago ng kasinungalingan. Mas mahalaga na maayos na ang buhay ninyong mag-anak.
DR. Love