Dagok ng utang na loob

Dear Dr. Love,

Hindi ko po akalain na ang inialok at tinanggap ko namang tulong ng nakakatanda kong kapatid ang magiging daan sa pagkakaroon ko at ng a­king pamilya ng matagalang sakit ng ulo, dahil sa tila wala ng katapusan na kabayaran na gusto nilang ibigay namin sa buo niyang pamilya.

Opo, Dr. Love. Buong pamilya. Dahil hindi lang para sa kapatid ko ang ihinihingi niya sa aking anak na nurse sa US kundi maging ang pangangailangan ng kanyang mga anak, mga apo at maging ng kanyang manugang.

Dati kasing maalwan ang buhay nila habang ang isang balo namang gaya ko ay hirap sa solong pagtataguyod sa aking apat na anak. Dahil wala sa tatlong anak na lalaki ng aking kapatid na mag-aral at makatapos, inialok niya sa akin na siya na ang sasagot sa anak kong si Claudine na kumukuha ng nursing.

Sa madaling sabi, nakatapos ang aking anak. Dumating ang sandaling hindi nila inasahan, biglang nasawi ang asawa ng aking kapatid na siyang nagpapatakbo sa kanilang negosyo. Nagkandalugi-lugi at windang ang kanilang buhay.

Kaya ngayon ay kami ang kanilang paulit-ulit na hinihingan dahil anila sa malaking utang na loob namin sa kanila. Hindi ko po masisi ang anak kong si Claudine na tuluyan nang itigil ang pagpapadala sa kanyang Auntie at mga pinsan dahil sa ginagawa na siyang gatasan ng mga ito. Sa inis niya ay ipinadala niya ang listahan niya ng mga binayaran sa kanyang Auntie para magkaroon naman sila ng konsiderasyon sa lahat ng sumbat sa ­aming pamilya, tungkol, sa walang katapusang bayad sa utang na loob.

Sa kabila nang mga nangyari ay naawa ako sa aking kapatid, dahil nasanay siya sa marangyang buhay. Kaya hindi ko mapigil ang sarili na magbigay pa rin ng tulong. Tutol ang mga anak ko rito dahil ka­ilangan daw ay matuto silang gumastos ng tama lang at huwag iasa ang mga pangangailangan sa hingi.

Dapat ko na nga bang tigilan ang pagbibigay sa kapatid ko?

Gumagalang,

Elisa

Dear Elisa,

Kung ang iyong pagbibigay ay hindi naman sumasakripisyo para sa panga­ngailangan ng iyong sariling pamilya, wala akong nakikitang problema. Sa katunayan, mas mapalad ang nagbibigay kaysa tumatanggap. Sikapin mo lang na ipaunawa ito sa iyong mga anak para hindi sila magtatanim ng sama ng loob laban sa inyong kaanak.

DR. LOVE

 

Show comments