Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw sa inyo at sa lahat na bumubuo ng Pilipino Star Ngayon.
Nais ko pong itago ninyo ako sa pangalang Madonna, 15-taong gulang, panganay sa anim na magkakapatid ng isang single mother na 37 taong gulang.
Nagkaroon po ako ng lakas ng loob na lumiham sa inyo para ihingi ng mahalaga ninyong payo ang kasalukuyang problema ko. Iba-iba ang tatay naming magkakapatid. Ako po ay solong anak ng nanay sa kanyang boyfriend noong siya ay 17-anyos pa lamang.
Sabi ni lola, nadisgrasya si nanay ng may edad nang taxi driver na pinadama lang sila na pananagutan pero naglahong parang bula.
Nang magtrabaho naman si nanay sa restaurant, niligawan siya ni Mang Ador. Tatlo ang naging anak nila. Mabuting step-father naman siya, pinag-aral niya ako sa private school. Sunod sa luho si nanay. Pero natuklasan ng lola ko na miyembro ng sindikato ng bawal na gamot si Mang Ador, namatay siya sa isang buy bust operation. Sinisisi ni nanay ang isa niyang kapatid na siya raw nagsuplong sa mga awtoridad.
Dahil nawalan kami ng sustento, nag-Japan si nanay bilang entertainer. Doon nakilala niya ang isang hapon na naging asawa niya. Nagkaroon sila ng dalawang anak pero hindi rin nagtagal ang kanilang pagsasama dahil malupit raw ang Hapon at kinalakal siya. Hiningi niya ang tulong ng embahada ng Pilipinas doon para makauwi.
Kahit dumami kami na magkakaiba ng ama, hindi ko po magawang kamuhian ang nanay ko. Ang totoo, ayaw ko na siyang makitang nagdurusa kaya gusto kong magtrabaho na para matustusan ang sariling pag-aaral. Gusto ko po maging independent at bumukod na. Pero ayaw ni nanay dahil baka raw magaya ako sa naging buhay niya. Dapat ko bang piliting pumayag si nanay?
Gumagalang,
Madonna
Dear Madonna,
Maganda ang hangarin mo na makatulong sa iyong ina, pero masyado ka pang bata para isagawa ang mga balak mo. Hindi malayong magkatotoo ang pangamba ng nanay mo kung ipipilit mo ang gusto mo. Sundin mo muna siya at kapag nasa hustong gulang ka na, saka mo balikan ang iyong planong magsarili.
DR. LOVE