Dear Dr. Love,
Masugid po akong sumusubaybay sa inyong column. Isa po akong bilanggo, gusto ko pong humingi ng payo.
Detinado po ako sa Camp Sampaguita, Muntinlupa matapos mahatulang mabilango ng mula 8 hanggang 14 taon. Kung loloobin po ng Panginoon ay maaari akong makalaya nang mas maaga sa pamamagitan ng parole.
Pero ang bumabagabag po sa akin ay ang masaklap na balitang hatid ng aking hipag na may kinakatagpong lalaki ang aking asawa. Nasa pangangalaga pa man din niya ang aming dalawang anak na babae.
Nakakaunsiyami lang po dahil wala akong magawa kundi tanggapin na lang ang panibagong dagok sa buhay ko.
Gusto ko po na makakawala sa kalungkutan at panumbalikan ng sigla ang buhay ko, Dr. Love. Para mabago rin po ang pananaw ko sa buhay. Ang pagkakaroon ng kaibigan sa panulat ay malaking tulong po bilang paninimula.
Sa palagay po ba ninyo ay may kaligayahan pang naghihintay para sa akin? Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat.
Gumagalang,
Fred Barzana
Cell 219
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City
Dear Fred,
Maraming salamat sa pagtitiwala mo sa column na ito. Sa umpisa ay talagang hindi magiging madali ang pagbangon, pero kung hindi ka susuko, siguradong unti-unti ay makukuha mo uli ang kumpiyansa para simulang muli ang iyong buhay.
Sikapin mo lang na mapagbuti ang bawat sandali mo diyan sa loob para makuha mo ang parole. Kapag nalampasan mo ang pagsubok d’yan sa loob, saka mo naman ayusin ang naiwan mong pamilya sa labas ng piitan. Gawin mo ang lahat ng iyan nang may pagtitiwala at buong pag-asa mula sa Dios.
DR. LOVE