Naghahanap ng Mr. Right

Dear Dr. Love,

Ang nararanasan kong pangungulila at ang kagustuhan ko nang magkaroon ng sariling pa­milya ang nag-udyok sa akin para humanap na ng makakarelasyon.

Sumakabilang buhay na po kasi ang natitira kong auntie. Malungkot po ang buhay niya. Dahil tumanda siyang dalaga. Matapos talikuran ng kanyang nobyo ay nawalan na rin po siya ng interes na umibig muli. Ayaw ko pong maranasan ang kalungkutang iyon. Malapit na po akong mag-30 anyos pero ang hinahanap kong Mr. Right ay hindi pa rin dumarating sa buhay ko.

Naisipan ko pong maghanap sa mga ads sa website. Ang natipuhan ko ay 50-anyos na naghahanap din ng ka-date na Asyano. Adrian ang pangalan niya, diborsiyadong Amerikano, may dalawang anak po siya na kapwa teenager na.

Gusto niyang magkita kami ng personal kaya pupunta po siya rito. Kinakabahan po ako, paano kung hindi niya ako magustuhan sa personal o kaya’y ako ang makadama ng ganoon? Hindi ko po alam ang gagawin ko sa sandaling magkita kami. Wala pa po akong kamuwang-muwang sa pakikipagrelasyon sa dayuhan. Sana po ay maunawaan ninyo ang dilemma ko.

Hindi pa rin po kasi ako nagkakanobyo at walang karanasan sa larangan ng pag-ibig.

Pagpayuhan po ninyo ako. Maraming sa­lamat. 

Gumagalang,

Nanette

Dear Nanette,

Natural lang na kabahan ka, lalo na’t wala ka pang nakakarelasyon. At mas malaking palaisipan sa iyo ang personalidad ng Amerikanong natitipuhan mo dahil ibang lahi siya, na may iba ring kultura.

Pero ang masasabi ko lang, magpakatotoo ka lang, walang pretention. Kung hindi ka niya magustuhan, okey lang. Kung ikaw naman ang makaramdam na hindi mo siya type, pakitunguhan mo pa rin siya ng mabuti.

Pinakamabuti siguro, gawin mong pagkakataon ang pagdalaw niya sa iyo para mas makilala mo siya ng mabuti at makapa mo sa sarili mo kung siya na nga ba ang Mr. Right na hinahanap mo.

DR. LOVE

Show comments