Magiging matandang dalaga ba?

Dear Dr. Love,

Sa palagay ko po ay may problema ako sa pakikipagrelasyon sa aking opposite sex. Naoobserbahan ko kasi na interesado lang ako sa simula at kapag nasa getting-to-know each other stage na ay unti-unti na akong nananawa.

Hindi naman po ako pangit at ang mga guys na naging interesado ako ay pasok naman sa mga qualification na hinahanap ko sa lalaki. Hindi naman po sa akin nagsisimula ang pananabang. Dahil pagkatapos ng ilang buwan na pakikipag-date sinasadya man o hindi ay nagiging malilimutin na ang mga lalaki.

Sa akin naman po, nagsisimula ang pa­nanawa kapag may kapintasan akong napansin sa ka-date na bagaman sa umpisa ay ok lang, pero habang tumatagal ay ikinaiirita ko na.

Minsan, nagkaroon naman po ako ng isang seryosong boyfriend pero hindi natuloy ang planong pagpapakasal namin. Dahil napikot siya ng ibang  babae nang magbunga ang minsang pagkakalimot nila sa sarili.

Ang nararamdaman ko po ba ay isang pa­latandaan na magiging matandang dalaga na lang ako?

Maraming salamat po.

Tin-tin

Dear Tin-tin,

Sa palagay ko bukod sa nagiging mataas na pamantayan mo sa iyong magiging karelasyon, malaking factor din ang hindi mo pa natatakasang pangamba dulot ng nakaraang karanasan sa iyong love life.

Kung patuloy na mananariwa sa iyo ang na­ging pait ng pagkaunsyami nang inaasahan mo sanang kasalan sa iyong dating boyfriend, hindi ka magiging handa para sa panibagong pag-ibig.

Sikapin mo rin na maging realistic sa iyong mga qualification. Dahil imposible na makuha mo ang lahat ng iyong pamantayan sa iisang lalaki lang. Wala naman talagang perfect sa mundo.

Maaaring ma-impress ka physically pero may ikaka-turn off ka, maaaring mentally o vice versa.

Pero sa pagkakaalam ko, sa sandaling makatagpo mo ang laan para sa iyo…hindi mo na maiisip ang mga sinasabi mong qualifications. Kaya marahil sa lahat ng mga naka-date mo, hindi pa sila ang para sa iyo. Enjoy mo lang and take time sa pagpili. Samahan mo rin ng dasal para may guide ka.

DR. LOVE

 

 

 

 

 

 

 

Show comments