Wala pa ring bf

Dear Dr. Love,

Sa edad na 25 taon, wala pa po akong boyfriend at nakakahiya mang sabihin, parang walang lalaking makatipo sa akin.

Ang dahilan, sabi ko sa sarili ay hindi ako maganda at tanging nanay ko lang yata ang nagsasabi na may itsura naman ako kung matututunan ko lang pumustura at magdala ng sarili.

Ang sabi naman ng best friend ko, alisin ko lang ang pagiging kimi at mahiyain, marami akong magiging kaibigang lalaki.

Marami anya ang nagsasabing latoy akong kausap at naaasiwa silang lumapit at maki­pagkilala dahil sa hindi ako marunong makihalubilo sa tao kaya napagkakamalang suplada­.

Paano po kaya ang dapat kong gawin para matutunan kong magkaroon ng tiwala sa sarili­?

Lagi kasi akong duda na walang may gustong makipag-usap sa akin, matangi sa ma­lapit kong kaibigang si Tina.

Payuhan mo po ako. Maraming salamat.

Gumagalang,

Luisa

Dear Luisa,

Magandang simulan na isipin na lahat ng nilikha ng Dios ay Kanyang obra, ibig sabihin, pinaka-natatanging nilalang. Sa totoo lang, ang kagandahan ay hindi lamang tumutukoy sa panlabas na katangian, kundi lalo’t sa panloob na katangian.

Kailangan mo lang ay magkaroon ng mind set na hindi alien, kaya hindi  dapat maging ma­ilap sa iba. At sa problema mong iyan, ikaw ang unang makakatulong sa iyong sarili.

At hindi mo naise-settle ang komporta­bleng pakiramdam kapag may kausap kang iba kung hindi mo sisimulan na makisalamuha. Kaya simulan mo nang lumabas at makisa­lamuha sa mga tao sa iyong paligid.

Sanayin mo rin ang iyong sarili na maging palangiti para hindi mailang ang iba na lapitan ka. Panatilihin mo ang kabutihan ng iyong kalooban dahil nakakadagdag ito sa maali­walas na itsura ng isang tao.

DR. LOVE 

 

Show comments