Dear Dr. Love,
Advance Happy New Year sa iyo at sana’y naging mabiyaya ang pagdiriwang mo ng Pasko.
Pakitago na lang po ako sa pangalang Nadia, 25-anyos at single pa. May boyfriend ako limang buwan na ang nakararaan pero nag-asawa na ng iba. Napikot daw.
Bakit po ganyan ang mga lalaki? Kapag naibigay na ang lahat sa kanila ay biglang napipikot o kaya ay nawawalang parang bula?
Ganyan ba silang lahat na iisa lang ang hangad sa babae?
Tatlong beses ko nang naranasan ang ganyan, Dr. Love. Pare-pareho silang nawala sa aking buhay.
Ngayon ay may nanliligaw na muli sa akin. Type ko sana pero takot na ako. Dapat ko bang bigyan ng bagong chance ang aking sarili?
Nadia
Dear Nadia,
Isa ako sa mga kumukondena sa mga babaeng madaling ibigay ang pagkababae sa kasintahan.
Talagang malamang na mangyari iyan sa babaeng sa tingin ng lalaki’y “easy to get.†Huwag ka sanang masasaktan sa sasabihin ko. Baka ‘yung mga nakauna na sa iyo ay ipagkakalat na natikman ka na kaya yung iba’y gusto ring makatikim.
In other words, sa tuwing ipinauubaya mo ang pagkababae sa lalaki nang walang kasal, pinabababa mo ang iyong sarili.
Iyan yata ay dala ng modernong panahon. Pero hindi lahat ng uso sa panahong ito ay tama.
Sa bago mong manliligaw, kung may pagtingin ka sa kanya ay give it another try. Pero kung hihingin niya ang iyong pagkababae nang walang kasal, matuto ka nang tumanggi.
Dr. Love