Pinagnanasaan

Dear Dr. Love,

Kumusta ka po? Umaasa akong wala kang sakit at malusog kapag binasa mo ang sulat ko.

Tawagin mo na lamang po akong Merly, isang kasambahay dito sa Makati.

Ako po ay 19-anyos, nanliligaw po sa akin ang anak ng amo ko. Hindi ko naman siya papatulan dahil alam kong malayo ang agwat namin. Katulong lang ako at hindi ako manana­ginip ng wala sa lugar.

Kaso po, nang mahalata niyang wala siyang pag-asa ay nakikita ko sa mga mata niya na pinagnanasaan niya ako. Mabuti na lang at naila-lock ko ang pinto ng kuwarto ko.

Nang magsumbong ako sa amo kong babae ay pinagalitan pa ako. Hindi raw magagawa ‘yun ng kanyang anak.

Tulungan mo po ako. Ano gagawin ko?

Merly

Dear Merly,

Habang maaga at wala pang nagagawang kahayupan sa iyo ang anak ng amo mo, lumayas ka na sa bahay na iyan.

Habang ‘di mo pinapansin iyan ay baka lalong mag-init at gawan ka ng masama.

Kung wala kang mapapasukan pa, bumalik ka sa probinsya.

Magpaalam ka nang mabuti sa iyong amo at umalis ka na sa bahay na iyan habang maaga.

Dr. Love

Show comments