Lamang ang barkada kaysa pamilya

Dear Dr. Love,

Noong mag-sweetheart pa lang kami ni Dante, alam kong mayroon siyang barkada na ang turing niya ay mga kapatid. Sina Allan, Tony at Mike, na pawang mga binata ang madalas niyang kasama sa mga lakaran.

Minsan pilit kong inuunawa, dahil sa last minute ng lakad namin at biglang tumawag sino man sa kabarkada niya dahil sa “emergency” raw ay nauudlot ang lakad namin. Kaya nang ikasal kami, ang paglimita sa pagsasama sa kanyang mga kaibigan ang ipinakiusap ko sa kanya.

Nangyari nga ito, pero hanggang umpisa lang. Dahil nakakantsawan na raw siyang “under­ de saya” at “takosa” kaya balik na naman sa happy-happy nilang magkakabarkada.

Nasagad ang pasensiya ko nang minsan, galing ako sa trabaho nang datnan kong ina­apoy ng lagnat ang aming panganay. Tinawagan ko si Dante para pabilhin ng gamot pero naisugod ko na’t lahat sa ospital ang bata at umabot na nang alas-4 ng madaling-araw ni-anino ni Dante ay wala pa.

Salamat na lang sa kapatid ko na siyang umalalay sa akin. Siya rin ang tumulong para makapag-avail kami ng dugo sa red cross. Dahil nang dumating ang aking asawa ay lasing kaya hindi kuwalipikado na maging donor para masalinan ng dugo ang aming anak na, diagnose dengue case.

Nang malampasam ang pagsubok na iyon ay binigyan ko ng ultimatum ang asawa ko, na kapag naulit ay doon na siya sa mga kabarkada niya tumuloy. Tutal sila naman ang nakakapagpasaya sa kanya. Tinotoo ko ito, Dr. Love nang sundan ni Dante ang pagpapasaway niya.

Seryoso ako na iwanan na lang niya kami. Nalilimutan niya naman kami kung mayroong toma silang magkakabarkada. Payuhan mo po ako Dr. Love.

Gumagalang,

Ma. Antonia

Dear Ma. Antonia,

Marahil sa mga oras na ito ay nare-realize na ng iyong asawa, maging ng kanyang mga kabar­kada na seryoso ka sa iyong mga binitawan. At sana ay matauhan sila. Pero kung hihingi ng ikalawang pagkakataon ang iyong asawa, sikapin mo na mapagbigyan siya, alang-alang sa kapa­kanan ng inyong mga anak. Ang bawat sandali sa piling ng buong pamilya, lalo na ngayong nalalapit na Pasko ay tunay na makabuluhan lalo na para sa mga bata. God bless you!

DR. LOVE

 

Show comments