Dear Dr. Love,
Mahigpit ang disiplinang ipinatutupad naÂming mag-asawa sa aming tatlong anak na babae pagdating sa pakikipagnobyo.
Bukas kami sa mga manliligaw dahil paano nga naman makakapili kung pagbabawalan ang makipagligawan. Laking pasasalamat naman namin dahil naging masunurin ang dalawang nakakatandang babae, maliban sa bunso na naging problema namin.
Ang hirap pa kay Myra ay marami siyang gimmick. Pati ang kuya niya na nagbabantay sa mga lakad niya ay naiisahan niya. Hanggang sa mangyari na ang kinatatakutan namin para sa kanya. Ito ‘yung sandaling umiiyak siya dahil buntis siya at ayaw tanggapin ng itinuturo niyang ama.
Wala kaming magawa para panagutan ni Jay R ang aming anak. Naninindigan naman si Myra na si Jay R ang ama ng bata, bagaman hindi daw siya ang unang lalaki sa kanyang buhay. Hindi pa tapos sa pag-aaral sa kolehiyo si Myra at gayundin si Jay R.
Lumaki sa aming poder ang anak ni Myra na isang lalaki. Guwapong bata si Don-Don at lokong-loko kaming mag-asawa sa kanya.
Minsan ay binalak ni Myra na bumukod silang mag-ina pero hindi namin pinayagan dahil sa bata. Bagaman astang dalaga si Myra ay makikita naman ang pagiging responsable niyang ina.
Sana maisip niya na hindi naman sa binabakuran namin siya kundi ginagabayan lang para hindi maulit pa ang nakaraan.
Gumagalang,
Concerned Mama
Dear Concerned Mama,
Tunay na napakadakila ng bahagi ng mga magulang sa buhay ng kanilang anak. Dahil anuman ang mangyari ay nananatili silang nakaagapay. In certain point in time, nakakasiguro akong mare-realize din ng inyong bunsong anak ang mga pagsisikap ninyo para mapabuti siya, maging ang inyong apo.
At sa pagkakataong ‘yun ay magiging malinaw sa kanya ang halaga ninyo bilang magulang niya at bilang lolo at lola ng kanyang anak. Wala namang hindi nakukuha sa tiyaga at sikap, at dahil sa dakilang pagmamahal ninyo sa inyong anak, alam kong mananatili ang pag-iingat ninyo sa kanya at sa inyong apo.
DR. LOVE