Dear Dr. Love,
Una sa lahat ay magandang araw sa iyo at sa mga tagasubaybay ng iyong malaganap na column.
Ang pangalan ko’y Verna, 29-anyos at may tatlong anak. Namatay nung Enero ng nakaraang taon ang mister ko kaya mag-isa akong nagtataguyod sa aking mga anak na ang pinakamatanda ay 12-anyos.
Wala akong pirmihang trabaho kundi tumutulong sa mga real estate agents sa pagbebenta ng mga real property. ‘Yun bang nag-aabot ng mga leaflets sa mga malls. Kung masuwerte ay nakakakuha rin ng komisyon pero napakadalang. Bago pa lang ako sa gawaing ito at marami pang dapat matutuhan.
May gusto sa akin ang boss ko at alam niya ang aking kalagayan kaya inalok ako ng malaking halaga na P100 libo. Pero may kapalit pala iyon at iyon ay ang aking pagkababae.
Minsan lang nangyari ‘yon pero ang masaklap, nagbunga ang isang gabi ng kasalanan at ako’y magdadalawang buwan nang buntis. Wala pang nakakaalam nito pero alam kong darating ang araw na mabibisto rin. Ano ang gagawin ko?
Verna
Dear Verna,
Ipagtapat mo iyan sa amo mong nagsamantala sa iyong kahirapan. Dapat panagutan niya ang isisilang mo dahil siya ang gumawa niyan. Sa tingin ko, ang P100 libong ibinigay sa iyo ay dapat lang na ibigay sa iyo bilang komisyon pero hiningi niya pati ang iyong pagkababae. Isa siyang mapagsamantala.
Kung hindi ka niya puwedeng pakasalan ay sagutin niya ang panganganak mo at sustentuhan ang bata.
Nangyari na iyan at hindi puwedeng ituwid ng isa pang pagkakamali. Iluwal mo ang bata at palakihin sa tulong ng lalaking nagsamantala sa iyo.
Dr. Love