Dear Dr. Love,
Pagkaraan nang mahigit na 12 taong pagsasama bilang mag-asawa, ngayon lang ako nagkaroon ng insecurities sa aking mister dahil sa malapit niyang pakikipagkaibigan sa isa niyang batang kaupisina.
Nang punahin ko si Dennis na masyado siyang nalululong kay Hannah, tinawanan lang niya ako dahil buddy-buddy lang daw sila nito at natutuwa lang siyang laging kausap ito. Minsan na niya itong isinama sa isang faÂmily gathering, birthday pa naman ng panganay namin.
Nalulungkot daw si Hannah dahil malayo ito sa mga magulang na nasa states at nakatira lang siya sa kanyang mga lola. Miss na rin daw niya ang mga kapatid na kasama ng kanyang magulang.
Maniniwala na sana ako sa sinasabi ng aking asawa na walang sangkot na sex ang pagÂkakaibigan nila ng 24 na taong gulang na kaibigan. Pero nakita ko sa isang photo sa cellÂphone na magkayakap sila at dikit na ang kanilang mga mukha sa isa’t isa. Inamin ni Dennis na nahahalikan at nayayakap niya si Hannah pero hanggang doon lang daw at hindi sila nagsisiping.
Paano po ako maniniwala na wala ngang nangyayari sa kanilang dalawa gayong palagi silang magkasama at malimit na ginagabi ng uwi ang mister ko.
Unti-unti nang gumuguho ang pagtitiwala ko sa asawa at may paniniwala akong kuma kaliwa na si mister. Ano po ba ang dapat kong gawin? Hindi po ako selosang tao pero maÂlakas ang aking kutob na may misteryo nang ginagawa si Dennis.
Gumagalang,
Teresa
Dear Teresa,
Magmumukha ka namang walang muwang sa buhay kung maniniwala ka sa sinasabi ng mister mo na buddy-buddy lang ang relasyon nila ng kanyang kaupisina.
Kausapin mo nang masinsinan ang asawa mo tungkol sa mga pangamba mo sa relasyong buddy-buddy niya, na kung hindi niya reremedÂyuhan ay makakaapekto na hindi lang sa inyong relasyong mag-asawa kundi sa inyong sariling pamilya. Kung wa-epek, walang masama kung ipagtatapat mo sa iyong mga magulang at in-laws ang inyong problema saka ka magdeÂsisyon para matuto ang mister mo.
Dr. Love