Mag-cool off muna

Dear Dr. Love,

Sa aminng barkada, ako lang ang walang boyfriend. Parang out of place na ako at napag-iiwanan at feeling ko, lonely ako.

Kaya nag-decide ako na sagutin na ang matagal na ring nanliligaw sa akin na si Ferdinand. First boyfriend ko, kaya parang excited ako. Dumalas ang aming outing at dinner date at malimit na ginagabi ako ng uwi.

Nag-reminder sa akin ang aking ina na tila napapabayaan ko na ang aking pag-aaral dahil ang laging inaasikaso ay si Ferdinand.

Naging aburido ako sa laging pagsita ni mommy­. Masyado anyang bata pa ako sa edad na 18 para magseryoso sa isang relasyon. Wala anya siyang kuwestiyon kay Ferdinand, pero ang hindi­ niya gusto ay parang ako ang mas agre­sibo at baka makalimutan ko ang pag-aaral.

Nangyari nga ang pinangangambahan ng mommy­ ko, nagsimulang maapektuhan ang mga grades ko ng malimit kong paglabas-labas at malimit ding pag-absent sa klase.

Gayundin pala si Ferdinand. Nang matanggal si Ferdinand sa dean’s list, seryoso na siyang kinausap ng kanyang ama. Ang pasya, mag-cool off muna kami at asikasuhin ang aming­ mga ambisyong makatapos ng kolehiyo.

Nagkaroon tuloy ako ng problema nang ayaw pumayag ni Ferdinand at niyaya niya akong magtanan. Saka ako natauhan. Hindi ko sinipot si Ferdinand sa usapan naming pagtatagpo para umalis.

Galit na galit siya sa akin nang maunsiyami ang kanyang plano. Wala raw akong isang salita­ at nasayang ang ginagawa niyang pakikipag­laban para sa aming relasyon.

Sa ngayon po, tuloy pa naman ang aking pagpasok sa eskuwela. Pero ang inaalala ko ay si Ferdinand na ayon sa kanyang parents ay tila tinatamad nang pumasok at gusto na lang magtrabaho muna.

Tanggap ko namang cool off kami ni Ferdinand. Ang ipinagtataka ko lang sa sarili, parang okay lang sa akin kung hindi man kami. Ibig po bang sabihin nito, hindi ko masyadong love ang boyfriend ko?

Gumagalang,

Alaina 

Dear Alaina,

In a way yes, pwedeng hindi mo siya ganon ka-love o pwede rin na hindi naman ganoon kalalim ang relasyon ninyo. Kung ako sa iyo, pa­kinggan mo ang mommy mo para wala kang pagsisihan sa huli. Focus muna sa study dahil darating din ang time ng pagbo-boyfriend.

Dr. Love

Show comments