Dear Dr. Love,
Halos isumpa ko ang dati kong boyfriend na napikot matapos na sapilitan siyang ipakasal ng magulang ng babaeng kanyang nabuntis.
Pero naglubag ang galit ko kay Nathaniel nang kausapin niya ako na hindi magbabago ang aming relasyon dahil ako ang kanyang tunay na mahal. Pakakalmahin muna raw niya ang mga paryentes ng kanyang asawa at sa sandaling magluwal na ito ng sanggol, kami nang dalawa ang magtatanan papunta sa ibang bansa.
Tatlong buwan ang tiyan ni Doris nang maÂkasal sila. Ibig sabihin, kailangan akong magÂhintay ng anim o pitong buwan pagkasilang ng sanggol na anak nina Nathaniel at Doris.
Malimit na dinadalaw ako ni Nathaniel sa town house na tinitirahan ko at malimit nga doon pa siya natutulog. Pero nang manganak na si DorisÂ, isang malusog na baby boy ay nabago na ang lahat.
Una, dumalang ang pagdalaw niya sa akin hanggang sa tuluyan nang nawala at tinapat ako ni Nathaniel na hindi na raw matutuloy ang pagtatanan namin. Patawarin ko raw siya dahil hindi na niya kayang iwanan ang kanyang junior at napamahal na rin daw sa kanya ang asawa.
Pinagsasampal ko si Nathaniel at mahinahon naman niyang tinanggap ang aking galit. DaÂlawang ulit niya akong niloko. Matagal kong iniyakan ang aking kaapihan. Pero sinabi ng kapatid ko na humanap na ako ng iba at huwag nang pag-aksayahan ng panahon ang taksil kong boyfriend.
Tama po ba ito, Dr. Love? Paano po naman ang puso kong dinurog niya? Payuhan mo po ako.
Gumagalang,
Delia
Dear Delia,
Nang magpakasal sa ibang babae ang dati mong nobyo, noon pa sana ay pinag-aralan mo nang limutin siya. Hindi makakabuntis ng ibang babae ang isang lalaki kung hindi rin niya ginusto.
Tanggapin mo na lang na kasal na siya, may asawa at anak. Liligaya ka ba kung magiging kabit ka lang? Idalangin mo na lang na lumigaya siya sa piling ng asawa at anak niya.
Maniwala ka at magtiwala na mas nakakahigit sa iyong boyfriend ang nakalaan para sa iyo.
Dr. Love