Dear Dr. Love,
Nahihirapan akong simulan ang aking sulat dahil ito’y tungkol sa aking kasawian sa pag-ibig na hanggang ngayo’y labis kong dinaramdam.
Tawagin mo na lang akong Joey, 31 anyos at hiwalay sa asawa. Limang buwan pa lamang kaming nagsasama nang sumama sa ibang lalaki ang asawa ko. Mahal na mahal ko siya at buntis pa siya nang iwanan niya ako.
Nag-iwan siya ng sulat at sinabing nakoÂkonsensya siya dahil ang sanggol na dinadala niya ay hindi ko anak kundi sa lalaking sinaÂmahan niya.
Live-in partner lang kami pero ang balak ko’y mag-ipon muna para sa isang marangyang kasal. Isang panaginip na hindi na matutupad.
Hindi ako makapag-move on, Dr. Love.
Kahit hindi ako dating umiinom ng alak ay natuto akong magpakalunod dahil gusto kong lumimot.
Pagpayuhan mo ako Dr. Love. Ano ang dapat kong gawin?
Joey
Dear Joey,
Kung tutuusin ay dapat kang matuwa dahil hindi ka kasal sa babaeng nagtaksil sa iyo. Mahal mo man siya, iba ang mahal niya at umamin pang hindi mo anak ang nasa sinapupunan niya.
Huwag mong hayaang tumigil sa pag-ikot ang mundo mo dahil lang sa ganyang klase ng babae. Kung nadapa ka, bumangon ka at ipagpagpatuloy ang buhay.
Dr. Love