Dear Dr. Love,
Isang pinagpalang araw sa iyo, may favorite love counselor, Dr. Love.
Tawagin mo na lang akong Margot, 30-anyos at isa pang dalaga. Sa aming angkan (mother side) marami akong mga tiya na nagsitandang dalaga.
Totoo bang namamana ang pagka-matandang dalaga? Dalagita pa lang ako ay sinasabihan na ako ng aking yumaong ina na huwag magmadali sa pag-aasawa. Pakasuriin ko raw ang bawat manliligaw ko para hindi ako magsisi sa dakong huli.
Kaya marahil umabot ako sa edad na ito nang walang napipili. Hindi mo naitatanong, marami akong suitors pero sa takot na nakatanim sa puso ko na baka ang makuha ko ay masama ang ugali, hanggang ngayon ay dalaga pa rin ako.
Papaano ko ba malalaman kung ang isang manliligaw ay magiging mabuting partner?
Margot
Dear Margot,
Ang pagpili ng partner ay parang pagboto sa mga opisyal. Hindi mo malalaman ang kalibre hangga’t hindi nasusubukan.
Kaya diyan kailangan ang mahabang getting-to-know-you period. Sa kaso mo, 30-anyos ka na at hindi na dapat ang magpatumpik-tumpik.
Sa ganyang kaso, trust your heart and your common sense. Makikita mo naman sa paglipas lang ng mga araw ang ugali ng lalaki.
Kung hindi ka pa rin makakapili ng lalaking iibigin, malamang nga ay magtuluy-tuloy ang iyong pagtandang dalaga.
Dr. Love