Takot

Dear Dr. Love,

Sumulat ako sa iyo dahil dalawang buwan na akong nababalisa. Sana ay pagpayuhan mo ako sa aking problemang dala-dala.

May nakapa akong bukol sa aking dibdib at nga­yo’y sinasaklot ako ng pangamba. Baka kasi cancer ang sakit ko. Naiisip ko na maliliit pa ang dalawa kong anak at paano na sila kung ako ay mamamatay?

Natatakot akong magpatingin sa doktor dahil baka makumpirma ang pinangangambahan ko. Hindi ko rin ito sinasabi sa asawa ko dahil ayoko siyang mabalisa.

Ako lang ang nakakaalam ng aking karamdaman at wala akong pinagsasabihang iba dahil nga natatakot ako.

Ano ang dapat kong gawin?

Gumagalang,

Marjorie

Dear Marjorie,

Tatanungin kita. Kung talagang may cancer ka gaya ng ipinangangamba mo, gagaling ka kaya kung ito’y sasarilinin mo at hindi magpapatingin sa doktor? Siyempre naman hindi. At habang pinalilipas mo ang mga araw nang hindi nasusuri ng doktor, malamang maglubha ang karamdaman mo at kung hindi naman talaga cancer ay baka doon mauwi.

At kung may cancer ka nga, sa inaasal mong ganyan, malamang mauna ka pang mamatay sa takot at hindi sa sakit na kinatatakutan mo.

Sabihin mo rin sa iyong mister ang  karamdaman mo dahil sa lahat ng oras, kayong dalawa ang dapat nagdadamayan. Sa lalong madaling panahon, magpatingin ka na sa doktor. Hindi lahat ng bukol ay cancerous at kung cancerous man, puwedeng-puwede pang gamutin kung maagang malalaman.

Dr. Love

Show comments