Dear Dr. Love,
Masasabi kong maayos naman ang pagsasama naming mag-asawa kahit na kinakapos sa budget. Pinahinto po kasi ako ng aking asawa sa pagtatrabaho para maalagaan ng mabuti ang maliliit pa naming mga anak. Nakikitira po kami sa bahay ng aking biyenan, na siyang pinoproblema ko dahil hindi maganda ang pakikitungo niya sa aming mag-iina.
Kung ano po ang kabaitan ng aking asawa, Dr. Love siya naman pong sama ng ugali ng kanyang ina. Retirado po siyang kawani ng gobyerno at ang pensiyon niya ay kulang na kulang sa gastos sa pagkain at iba pang pangangailangan. Mayroon pa siyang dalawang anak na walang asawa at wala ring trabaho.
Kaya tumutulong din kami ni Jun sa araw-araw na panggastos sa pagkain at bayad sa labada. Pero mistulang hindi kuntento ang biyenan ko sa ibinibigay naming share sa gastos sa bahay. Malimit ako pa rin ang taya sa pagbabayad ng kuryente at tubig.
Hindi rin po lingid sa akin, maging sa aking asawa ang kaibahan ng pagtrato ni Inay sa aming mga anak, kumpara sa manugang at mga anak ng panganay na kapatid ni Jun. Sa paniniwala po namin, ito ay dahil regular na nakapag-aabot ang bilas kong si May kay Inay. Bukod pa ang mga pasalubong sa tuwing binibisita nila ito. Ipinakiusap po ni Jun na pagpasensiyahan na lang si Inay.
Ini-open ko po ang tungkol sa problema ko sa biyenan sa aking nanay at ang payo niya ay sikapin ko pa rin na maging mabuti sa aking biyenan. Dahil ang mahalaga naman ay magkasundo kaming mag-asawa. Sundin ko raw ang pakiusap ni Jun at maghintay kapag handa na kaming bumukod.
Pagpayuhan ninyo rin po ako dahil gusto ko nang ipilit sa aking asawa na lumipat na lang sa bahay ng aking mga magulang sa Makati. Pero ayaw ko naman na sumama ang loob niya.
Gumagalang,
Concha
Dear Concha,
Tama ang iyong ina sa payo niya sa iyo. Kahit sa pinaka-nakakairitang ginagawa ng iyong biyenan ay sikapin mo na magpakita pa rin ng kabutihan, sa lahat ng bagay na posible. Isipin mo na lang na hindi mo magiging asawa ang iyong mister kung wala siya.
Nasa pagtitiis ang pagpapala, kaya huwag kang manghinawa. Pasasaan ba at makakabukod din kayong mag-anak.
DR. LOVE