Nabigong pangarap

Dear Dr. Love,

Hello Dr. Love. Please call me Mildred ng Tanauan, Batangas.

Noong 2010, nagkaroon ako ng manliligaw. Guwapo at kasing-edad ko, 25 anyos.

Na-in love naman ako dahil sa kanyang kakisigan. Pero ang higit na naka-attract sa akin ay ipinakilala niya ang kanyang sarili na isang milyonaryo at negosyante.

Hindi mo naitatanong, mahirap lang kami at pangarap ko na maihango ang aking pamilya sa kahirapan. Tuwing dadalaw siya ay iba-iba ang kotse niya kaya pati magulang ko ay na-impress.

Agad inayos ang aming kasal pero ito’y simple lang at walang karangyaan. Nandun din ang mga magulang niya na sa aming pagtataka’y hindi mukhang mayaman.

Sabi niya sa akin, ‘yun daw ang sikreto ng kanilang pagyaman… simpleng pamumuhay.

Nang magsama na kami’y nalaman ko na isa lamang siyang family driver ng isang mayamang negosyante. Humingi siya ng tawad sa akin at sa aking mga magulang. Pinatawad ko siya dahil mahal ko rin naman.

Kahit ang mga magulang ko’y hindi na nanumbat sa pangyayari.  May nag-uudyok sa akin na hiwalayan ko siya. Tama ba kung gagawin ko ito?

Mildred

Dear Mildred,

Sabi mo mahal mo naman siya kahit niloko ka, kaya hindi tamang hiwalayan mo siya.

Sana ay nagsilbing aral ito sa mga kababaihan na may matayog na pangarap. Bago pa­kasalan ang lalaki ay kilalanin muna ng mabuti ang pagkatao.

Ang sino mang nag-aasawa ay hindi dapat gawing sukatan ang yaman ng pakakasalan. Kailangan ang taong pakakasalan ay talagang mahal mo at hindi lang dahil sa kanyang kayamanan.

Hindi ka nag-iisa sa ganyang karanasan Mildred kaya charge it to experience.

Dr. Love

Show comments