Dear Dr. Love,
Hindi ko po akalain na huhugot ng maraming luha ang lalaking minahal ko pero tinalikuran ako at ang magiging baby namin, sa hindi ko malamang dahilan.
Nangibang bansa si Robert sa kasagsagan ng aking pagdadalang-tao. Pero masuwerte pa rin ako dahil maunawain ang aking pamilya na siyang tumulong sa akin para maitaguyod ang bata at buÂmangon muli para ipagpatuloy ang aking pag-aaral.
Bagong pag-ibig ang natagpuan ko kay Eric na tumanggap sa akin at sa aking nakaraan. Hiningi rin niya na isunod ko sa pangalan niya si Annie na ngayon ay mag-aapat na taon na.
Wala na akong mahahanap pa kay Eric, maÂbait, masipag at responsable. Pero isang hindi inaasahan ang nangyari, biglang bumalik ng Pilipinas si Robert at hinihiling na makilala ang kanyang anak. Malakas ang paniniwala ko na may pinagsusubaybay siya sa akin at sa aming anak, kung hindi ay blangko po ako.
Sinabi sa akin ni Eric na makabubuting kaÂusapin ko na si Robert para matapos na ang problema. Pero hindi niya ako sinipot, sa halip isang sulat ang dumating. Nagso-sorry siya sa pagkukulang niya sa akin at sa aming anak. Sinabi rin niya na mauunawaan ko sa dakong huli kung bakit hindi niya naharap ang kanyang responsibilidad. Binawi rin niya ang kagustuhang makilala ang anak nang mga panahon iyon. Sa tamang pagkakataon na lang daw ay ipakilala siya bilang ama.
Isang buwan matapos ang kasalan, isang speÂcial delivery ang tinanggap ko. Labis ko itong ikinagulat dahil kasulatan na nagsasaad sa pagmamay-ari ng shares of stocks ang mga dokumento na nasa pangalan ko at ng aming anak ang ipinadala ni Robert.
Yumao na po siya sanhi ng matagal nang cancer. Ang nanay niya ang nagpaliwanag sa amin. Hindi raw gustong talikuran ni Robert ang kanyang obligasyon pero hindi raw niya nais akong itali sa isang obligasyong pag-aalaga sa kanya. Ipinagamot nila si Robert sa abroad pero bagaman nagkaroon ng remission, muling umatake ang karamdaman pagkaraan ng limang taon.
Sa payo ni Eric, ipinakilala ko si Annie sa nanay ni Robert. Dumalaw din kami sa puntod nito at doon hindi ko napigilan ang lumuha. Salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito. Sana rin may aral kayong napulot dito.
Gumagalang,
Irene
Dear Irene,
Maraming salamat sa magandang kasaysayan ng iyong buhay-pag-ibig na ipinagkatiwala mo sa pitak na ito. Isang makabuluhang aral ang natitiyak kong natutunan ng marami nating mambabasa dito.
Dr. Love