Dear Dr. Love,
Isang engrandeng kasal ang ipinangako noon sa akin ni Hector at dapat sana’y mamamanhikan kahapon, Araw ng Pasko ang kanyang mga magulang sa parents ko. Pero naunsiyami ako nang sabihin niyang sa susunod na Pasko na lang.
Ang dahilan niya, nasa trip ang kanyang mga magulang at bumibisita sa ate niya sa Australia. Matatagalan daw doon dahil sabik na makasama ang mga apo roon lalo na sa bagong silang na baby. Aalagaan daw ng mommy niya ang pinakahuling baby ng ate niya.
Mabuti na lang at hindi ko nasabi sa parents ko ang planong pamamanhikan. Parang gusto kong maiyak. Ang ibig sabihin, sa susunod pang taon ang pangakong kasal.
Dalawang taon na kaming magkasintahan ni Hector, isang kasamahan ko sa trabaho sa bangko. Mahigit na dalawang taon lang siya sa bangkong pinaglilingkuran ko bilang supervisor niya.
Mas matanda ako kay Hector ng dalawang taon sa edad kong 30-anyos.
Ano po sa tingin ninyo, ang pagkakaurong kaya ng pamamanhikan ay tanda na nagbabago na si Hector ng isip? Pilit ko sanang inuunawa siya, pero hindi maalis sa akin ang magduda. Ayaw kaya sa akin ng parents ni Hector?
Minsang dinala na niya ako sa bahay nila noong birthday ng kanyang pamangkin. Ipinakilala niya ako sa parents niya. Napansin kong pormal ang ina niya sa akin noon.
May dahilan ba ang aking suspetsa?
Maraming salamat po at sana, mabigyan ninyo ako ng mahalagang payo.
Gumagalang,
Trixie
Dear Trixie,
Kung basehan mo sa iyong suspetsa ay ang pagkaudlot ng pamamanhikan ng iyong boyfriend, mababaw ito. Ikaw ang mas nakakakilala sa kanya at makakapagsabi kung may pagbabago sa pakikitungo niya sa iyo. Kausapin mo siya ng masinsinan at i-voice out ang nararamdaman mo para malaman mo rin ang damdamin niya.
Sana naging maayos at masaya pa rin ang iyong Pasko kahapon. God bless you!
Dr. Love