Dear Dr. Love,
Isa po akong lalaki na masyadong binibigyan ng pagpapahalaga ang aking “privacy”. Pero ito po ay malimit na napagkakamalan ng aking girlfriend na sobrang pagiging “reserved.” Ang nais ko lang po naman ay maihiwalay ang aming pribadong buhay sa mga dapat na ipakita sa iba.
Mahal ko po si Rose at ang masyado niyang pagiging “demonstrative” at kawalan ng “inhibition” ang malimit na hindi namin napagkakasunduan kung ito ay aking pinupuna. Ang sabi ni Rose, isa raw akong sinauna. Ewan nga lang ba raw niya kung bakit niya ako nagustuhan.
Nakakapagbigay sa akin ng iisipin ang sinabi niyang ito. Tanda po kaya ito na nanghihinawa na siya sa akin? Kung tinatanong ko naman ang sarili ko kung bakit nga ba sobrang minahal ko si Rose gayong hindi kami “compatible” sa isyung ito. Hindi ko nga rin po alam.
Marami namang mga katangian si Rose na gusto ko at kabilang dito ang pagiging maunawain niya at mapagmahal. Maganda rin siya at sexy at ito nga marahil ang lihim kong pinangangambahan na makaagaw pansin sa ibang lalaki .
Sa tingin po kaya ninyo, ang pagkakaiba namin ng ugali sa usaping ito ay makakaapekto sa aming relasyon?
Hindi ko po gustong magkahiwalay kami kaya nagpapatianod na lang ako kung ano ang gusto niya. Normal po ba ito sa isang relasyong tulad ng sa amin ni Rose?
Si Rose po ay una kong girlfriend, samantalang ako ay pangalawa niyang nobyo at alam ko po naman ito.
Maraming salamat po at hihintayin ko ang payo ninyo.
Gumagalang,
Isagani
Dear Isagani,
Oo, normal lamang ang nararanasan ninyo ni Rose sa inyong relasyon. Kung pamilyar ka sa kasabihang “opposite attracts,” ito ang maiksing paliwanag sa inyong dalawa.
Kaya kahit na may mga bagay na hindi kayo pinagkakasunduan ay mahal ninyo ang isa’t isa. Wala naman masama sa pagiging reserved o pagiging demonstrative dahil ito ay parehong expression of affection sa taong importante sa buhay natin.
Temporary lang ang iritasyon ninyong ‘yan, dahil later on, love will teach you both how to adopt with this difference. Ang pagkakaroon ng pang-unawa at respeto sa isa’t isa ay mahalagang sangkap para mapanatili ang anumang relasyon.
Good luck sa inyo, stay in-love.
Dr. Love