Iniwan, ipinagpalit, binabalikan

Dear Dr. Love

Bumabati po ako sa inyo ng advanced Merry Christmas. Tawagin n’yo na lamang akong Rita, 34-anyos at tindera sa palengke.

Katulong ko po ang asawa ko sa pagtitinda ng mga gulay at isda.

Bago ako mag-asawa ay may naka-live-in ako. Pero nagtagal lang nang wala pang isang taon ang aming pagsasama at hindi kami nagka-anak. Pero mahal ko siya. Kaso, sumama siya sa ibang babae at iniwan ako.

Ngayon ay binabalikan niya ako nang minsang nasa palengke siya at ang aking asawa ay humango ng isda sa Navotas.

Maligaya po ako sa asawa ko ngayon at sa piling ng aming dalawang anak. Pero aaminin kong tumitibok pa rin ang puso ko sa aking ex.

Ano ang maipapayo n’yo sa akin?

Rita

Dear Rita,

Isipin mo na lang sa sarili mo na wala siyang kuwentang lalaki. Kung nagawa niyang iwanan ka noon, malamang magagawa pa rin niya nga­yon kapag may nakita siyang mas bata at mas maganda sa iyo.

Isipin mo ang kinabukasan ng pamilya mo lalo na ang iyong mga anak. Ikaw na rin ang may sabing maligaya ka sa piling ng iyong pa­milya.

Bakit ipagpapalit mo ang kaligayahang iyan sa walang katiyakang relasyon?

Sabihin mo sa iyong asawa ang situwasyon para ipakitang tapat ka sa kanya at hindi magtataksil.

Dr. Love

Show comments