MANILA, Philippines — Isang network ng Chinese-linked social media accounts ang aktibo umanong nagpapakalat ng paninira kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (PBBM) at papuri naman kay Vice President Sara Duterte.
Sa pagdinig ng Tri Comm noong Martes, inilahad ni Niceforo Balbedina II, ng PressOnePH ang mga impormasyon kaugnay ng operasyon ng Foreign Influence Operations (FIO) at Foreign Information Manipulation and Interference (FIMI) sa Pilipinas.
Sinabi niya na ang Chinese state media ay masigasig na nagkakalat ng mga mapanlinlang na kwento tungkol sa gulo sa West Philippine Sea habang kasabay nitong pino-promote ang mga social media content na may kaugnayan kay VP Duterte.
Tinukoy ni Balbedina ang China Daily, ang pinakamalaking English-language newspaper, at ang TikTok affiliate nitong Media Unlocked bilang ilan sa mga pinagmumulan ng AI-generated disinformation content.
Binanggit ni Balbedina na marami sa umano’y mga tagasubaybay na ito ay mula sa mga Spanish-speaking countries at walang interes sa WPS, na nagdulot ng mga pagdududa na sila ay mga bot o binili mula sa mga online growth services.
Isa sa nakakaalarmang natuklasan ay ang muling paglutang ng debunked “polvoron” video, na nagpapakita sa umano’y paggamit ng Pangulo ng droga.
Ibinunyag ng mga imbestigador ng PressOnePH ang 107 kahina-hinalang account noong Pebrero 4, 2025, na naglalathala ng mga sentimyentong laban sa mga Pilipino, kung saan marami ay may pangalang Chinese at sabay-sabay na ginawa.
Bukod sa pag-atake sa Pangulo, ipinapakalat din ng network Chinese-linked accounts ang mga content na bumabatikos sa partisipasyon ng US sa WPS.