MANILA, Philippines — Dahil sa rami ng kalamidad na tumama sa bansa sa magkakasunod na bagyo nitong huling bahagi ng 2024, naubusan na ng pondo para sa disaster response ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ito ang inamin ni NDRRMC Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno matapos masimot ang pondo ng kanilang ahensiya.
“Ang NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang budget po nyan noong 2024, P20 billion subalit nakita po natin naubos po talaga ‘yan. Lumampas po, gumamit na tayo ng presidential funds na karagdagan,” paliwanag ng opisyal.
“Iba na ho ang panahon ngayon. Sana po mas mataas ngayong (2025 ang budget) kasi alam naman nating kulang ang naging budget noong 2024,” ayon kay Nepomuceno. Ang Office of Civil Defense (OCD) ay isa sa 45 ahensya na nasa ilalim ng NDRRMC.
Ang Pilipinas ay sinalanta ng magkakasunod na anim na malalakas na bagyo noong Oktubre hanggang Nobyembre 2024 kabilang ang mapaminsalang bagyong Kristine kung saan lumubog sa baha ang lalawigan ng Albay at Camarines Sur sa Bicol Region.
Umabot naman sa 160 katao ang nasawi sa pinagsamang epekto ng Kristine at Leon habang nasa 9.6 milyong katao ang naapektuhan.