300 Afghanistan ‘inampon’ ng Pinas

MANILA, Philippines — Pansamantalang ‘aampunin’ ng Pilipinas ang may 300 Afghan nationals habang pinupro­seso pa ang kanilang US Special Immigrant Visa (SIV) sa US Embassy sa Maynila.

Ang mga naturang Afghans ay dumating sa bansa kahapon na kalahati ay mga menor-de-edad, nagtrabaho sa US government sa ­Afghanistan o ikinukonsiderang eligible para sa US SIV ngunit naiwanan nang muling makubkob ng mga militanteng Taliban ang Afghanistan noong 2021.

Ayon sa isang opis­yal ng Pilipinas na tumangging magpabanggit ng pangalan dahil sa pagiging sensitibo ng isyu, ang kasunduan sa pagitan ng bansa at ng Estados Unidos ay tatagal lamang ng 100-araw.

Sa ilalim nito, pinahihintulutan ang mga dayuhan na manatili muna sa bansa nang hindi tatagal sa 59-araw mula sa araw ng kanilang pagdating.

Ang US government ang sasagot sa lahat ng gastusin ng mga Afghans habang sila ay nasa bansa.

Tiniyak naman ng US State Department official na ang mga naturang Afghan nationals ay hindi refugees o banta sa seguridad.

Show comments